Home METRO MTPB sa truck operators: Dumaan lang sa lansangang inilaan sa Maynila

MTPB sa truck operators: Dumaan lang sa lansangang inilaan sa Maynila

MANILA, Philippines – “INIINGATAN natin ang buhay ng mga taga-Maynila, hindi gagawa ng batas kung hindi ito makakatulong at para sa kaligtasan ng mga Manilenyo.”

Ito ang tahasang sinabi ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje patungkol sa ilang mga pasaway na truck driver na patuloy na idinadaan ang kanilang mga truck sa lansangan na hindi naman inilaan para sa kanila.

“Kita mo yung nangyaring karambola sa Quirino Avenue, yung sasakyan piping-pipi… Yan ang sinasabi ko sa kanila (mga truck driver). Baka dumating ang araw paggising natin wala na tayo internet, cable, o kuryente kase nadaanan na ng malalaking truck yung linya, kaya dapat sumunod sila kung saan sila dapat dumaan,” giit pa ni Viaje.

Paglilinaw ng MTPB, malayang makakadaan sa mga lansangan sa Maynila ng walang anumang kabayaran ang mga sasakyang magdedeliber ng mga produktong pagkain subalit sa oras aniya na madiskarga na nila ang produkto, dapat lamang na gamitin na nila ang lansangang nakalaan para sa mga truck at hindi sa city roads upang hindi sila makasagabal sa daloy ng trapiko at mapangalagaan din nila ang kalsadang minimintina ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay MTPB Chief of Operation Wilson Chan, wala silang sinisingil na anumang bayad sa mga delivery trucks na may kargang produktong pagkain lalu na ng gulay at iba pang perishable goods bilang pagtalima sa inilabas na Executive Order No. 41 ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr na nag-aatas sa lahat ng lokal na pamahalaan na suspendihin ang pangongolekta ng bayarin sa lahat ng uri ng sasakyang nagbibiyahe ng mga produktong pagkain.

Aniya, kinonsulta na nila sa City Legal Department at pinayuhan sila ipagpatuloy ang pagpapatupad ng probisyon sa ilalim ng Manila City Traffic Code na pagi-isyu ng tiket sa lahat ng uri ng sasakyang lalabag dito.

Ayon pa kay Chan, batid ng mga truckers ang wastong ruta kung saan lamang sila puwedeng dumaan kaya’t patuloy nila itong ipinaiiral kahit sa mga deliver truck kung nakapag-diskarga na sila ng mga produkto.

Nabatid na na lahat ng mga mahuhuling lumalabag ay ini-isyuhan nila ng tiket na may katumbas na multang P2,000.

Kaugnay nito, hinimok din ng MTPB ang BAPTC Traders and Truckers Association Inc. na magtungo sa kanilang tanggapan upang ipaliwanag ang sinasabing pangongotong sa kanila ng mga traffic enforcers kapalit ng pagpayag na makadaan sa lansangan sa Maynila.

Ang paanyaya ay ginawa matapos magreklamo sa media ang grupo ng mga vegetable dealers mula sa Benguet na sinisingil umano sila ng P2,000 kada buwan ng mga traffic enforcers pagpasok nila sa sa boundary ng Maynila at Caloocan sa may R. Papa St. papuntang Jose Abad Santos Avenue para magbagsak ng mga gulay sa Divisoria.

Ayon kay Chan, wala silang sinisingil na anumang bayad sa mga delivery trucks na may kargang produktong pagkain lalu na ng gulay at iba pang perishable goods.

Nais aniya nilang makuhanan ng salaysay kung sino man ang nagrereklamo na sila’y kinokotongan, bukod sa ituro nila kung sino sa kanilang mga traffic enforcers ang nangongotong para mabigyan nila ng karapatang parusa ang mga ito kung mapapatunayan.

Giit pa ni Chan, patuloy nilang ipinapatupad ang “one strike policy” laban sa mga traffic enforcers na mapapatunayan nila na nangongotong o mahuli sa mga iligal na gawain. JAY Reyes

Previous articleDavao de Oro isinailalim sa state of calamity sa delubyo
Next articleBribery conviction ‘di makaaapekto sa trabaho bilang senador – Jinggoy