Home NATIONWIDE MTRCB nagmatigas, Barbie movie ipalalabas pa rin sa sinehan – Tolentino

MTRCB nagmatigas, Barbie movie ipalalabas pa rin sa sinehan – Tolentino

236
0

MANILA, Philippines – Lantarang nagmatigas ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pagpapalabas ng pelikuklang “Barbie,” kahit may bahagi itong nagpapakita ng “nine-dash line” ng China, ayon kay Senador Francis Tolentino.

Sa pahayag, hinikayat ni Tolentino ang MTRCB na ipagbawal ang screening ng pelikula dahil ipinakikita sa isang bahagi nito ang digital illustration ng sinasabing “nine-dash line” ng Chinese government sa South China Sea, na pinapalagan ng ilang bansa kabilang ang Pilipinas.

Aniya, ginawa ng MTRCB ang lahat ng posibleng pamamaraan upang makapagdesisyon hinggil dito.

“The Board believes that, all things considered, it has no basis to ban the film ‘Barbie’ as there is no clear nor outright depiction of the ‘nine-dash-line’ in the subject film, in comparison to films such as ‘Abominable’ and ‘Uncharted’,” ayon sa liham ni MTRCB chairperson Diorella Maria Sotto-Antonio.

Noong nakaraang taon, hiniling din ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa MTRCB na ipagbawal ang pagpapalabas ng “Uncharted” dahil mayroon itong “nine-dash line” claim.

Hiniling din ng DFA sa MTRCB noong 2019 ang pagpapalabas ng animation movie na “Abominable” sa katulad ng dahilan.

“The MTRCB will continue to uphold the best interest of the Filipino people. To this end, we will issue a stern warning to all filmmakers/producers/distributors that the Board will continue to sanction, disallow, or ban films portraying any kind of depiction of the ‘nine-dash line’,” ayon sa liham.

Sa video message, sinabi ni Tolentino na kanilang nirerespeto ang desisyon ng MTRCB pero nalungkot ito sa pangyayari.

“Tayo po ay nalulungkot dahil bukas po ‘yung ikapitong anibersaryo ng pagkapanalo natin sa Arbitral Court kung saan pinawalang-bisa yung ‘nine-dash line,” giit ni Tolentino.

Inaalala niya ang patuloy na panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas kahit may desisyon ang MTRCB hinggil sa naturang pelikula.

Bago ang panawagan ni Tolentino, ipinagbawal ng Vietnamese government ang screening ng naturang pelikula matapos ang pagsusuri.

Ikinatuwiran ng MTRCB na base sa pagrebyu nito, natuklasan na: “The dash lines attached to a landmass labeled ‘Asia’ is not U-shaped, and has eight dots/dashes instead of nine.”

Hindi rin nakikita sa mapa ang Philippines, Malaysia, at Indonesia.

Inatasan naman ng MTRCB ang distributor ng pelikula, ang Warner Bros., na palabuin ang linya. Itinakda naman ng Board ang Parental Guidance rating sa palikula na dapat samahan ng magulang ang 13 taong gulang pababa ng manonood. Ernie Reyes

Previous articleHUSAY NG BAGONG NCRPO CHIEF MASUSUBUKAN
Next articleKAWALAN NG TUBIG PAGHANDAAN NA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here