MANILA, Philippines – Ang kamakailang mga hacking incidents na tumarget sa mga ahensya ng gobyerno ay nagpatunay lamang na mahina ang Pilipinas pagdating sa pagdepensa sa cyberattacks, ayon sa isang senador kasabay ng panawagan niya ng masusing imbestigasyon dito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Sen. Win Gatchalian na ang pinakabagong cyberattack laban sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay “deeply alarming,” kung saan ang isyu na kinasasangkutan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay hindi pa rin nareresolba.
“Nagpapakita ito na hindi matatag ang imprastraktura sa bansa para labanan ang banta sa cybersecurity,” aniya.
Kasabay ng panawagan ng iba pang mga senador, sinabi ni Gatchalian na idiniin pa nito ang pangangailangan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na magkaroon ng kumpidensyal na pondo.
Nagbabala ang DICT chief na si Ivan Uy nitong Miyerkules na ang pagbabawas ng proposed budget ng ahensya ay magpapapahina nito laban sa mga cyber criminal.
Si Sen. Mark Villar ay nagpahayag din ng kanyang mga alalahanin tungkol sa cyberattacks, na sinabing dapat palakasin ng gobyerno ang cyberspace security nito “sa pagharap natin sa pribado at maselang impormasyon na maaaring magsapanganib, hindi lamang ng isang institusyon, kundi ng pangkalahatang publikong Pilipino.”
Inihayag ni Uy sa isang panayam na mas maraming ahensya ng gobyerno ang natamaan ng data breaches. Gayunpaman, ang ilan sa kanila ay nagpasyang huwag iulat ang bagay, sinabi ng opisyal. RNT