Home NATIONWIDE MUP funds sa ilalim ng 2024 budget sapat – solon

MUP funds sa ilalim ng 2024 budget sapat – solon

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Deputy Speaker David Suarez na ang military at uniformed personnel (MUPs) pension funds ay “intact” sa 2024 national budget at sapat para sa payouts sa mga retirado.

Inihayag ito ni Suarez sa harap ng alegasyon na ang MUP fund ay kinaltasan para magamit sa social aid.

“Walang dapat ikabahala ang mga retiradong government at military pensioners at kanilang mga kaanak. Intact at sapat po ang pondo para sa kanilang pensyon,” pahayag ni Suarez.

Sinabi ni Suarez na may pangangailangang linawin ang usapin kasunod ng alegasyon ni Senator Imee Marcos na ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ay nabuo dahil ang pondo ay kinuha mula sa MUP funds.

Sinabi ni Marcos na P10 bilyon ang kinaltas sa MUP sa ilalim ng 2024 national budget para magamit na alokasyon sa AKAP.

Pinaliwanag ni Suarez na ang budget ay inaaprubahan ng Senado at Kamara at hindi ito basta basta mailalaan sa ibang gastusin gaya ng alegasyon ni Marcos.

“Lahat ng probisyong nakapaloob sa budget ay dumadaan sa masusing pagsusuri. Wala naman pong maaring maganap na realignment o paggalaw ng budget na hindi pinapagtibay ng dalawang kapulungan,” pagtatapos ni Suarez. Gail Mendoza

Previous article‘Korapsyon’ sa MILF cash grant tatalupan ng PH gov’t
Next articleDivorce bill tinalakay na sa Kamara