MANILA, Philippines – Aabot sa 591,000 customer ng Maynilad Water Services Inc. ang maaaring makaranas ng hanggang siyam na oras ng gabi-gabing pagkagambala sa serbisyo ng tubig simula Hulyo 12.
Ang nasabing sitwasyon ay bunsod ng pagbaba ng lebel ng tubig ng Angat Dam, paliwanag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
“Basically, ‘yung mga areas na matataas like Quezon City, parts of east or west Fairview and ‘yung parts din ng Manila, pero expect na lang na we will be issuing ‘yung exact na locations,” ani Patrick Dizon, MWSS Division Manager sa isang interbyu.
Sinabi rin ni Dizon na maaaring magkaroon ng water service interruptions mula 7 p.m. hanggang 4 a.m.
Ang tinantyang bilang ng mga customer na maaapektuhan ay mas mababa kaysa sa unang nakalkulang bilang noong Abril 2023, na 632,000 na mga customer, dagdag niya.
Sakaling patuloy na bumaba ang lebel ng tubig ng Angat Dam sa 180 metro, sinabi ng National Water Resources Board (NWRB) na itatakda nito ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila sa 48 cubic meters per second (CMS).
Ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila na itinakda noong Hulyo ay 50 cms.
Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration noong Martes na nagsimula na ang “mahina” na El Niño. RNT