
PUNTIRYA ngayon ni Dennis Uy, na ang bilyun-bilyong pisong yaman ay matagal nang iniuugnay sa Duterte political dynasty, ang isang mapangahas na disappearing act. Ang ibig kong sabihin, sino nga ba ang nakakaalam kung nasaan siya, sa mga panahong ito?
Ang malinaw na nauulinigan sa business industry ay ang unti-unting pagbabawas ni Uy ng kanyang shares sa DITO CME Holdings, at ang mga dahilan ay maintriga at bigay na bigay na. Ito nga kaya ang bersiyon niya ng Houdini o ang huling fatal act ng dakilang magician?
Ang bentahan kamakailan ng P3.3 bilyon halaga ng bagong shares sa Summit Telco Corporation ay lumalabas na isang matalinong hakbangin, ayon sa iba. Ang Summit Telco, na itinatag ilang buwan pa lang ang nakalipas, ay mayroon na ngayong 25-percent stake sa DITO, matapos matamo ng kompanya ang 9.8 percent interest noong Agosto. Dahil dito, natapyasan ang ownership ni Uy sa kompanya sa 55 porsiyento mula sa dating 69 na porsiyento.
Pero hindi lamang ang Summit Telco ang nagkaroon ng bahagi. May kani-kanya na ring shares ang Xterra Ventures Pte. Ltd. at Summit Global Ltd., nagpatindi sa espekulasyong idinidistansiya na ni Uy ang kanyang sarili mula sa dating kompanya ni Bobby Ongpin. Ang strategic shift na ito ay sumabay sa kabiguan ni Uy na tuparin ang $500-million commitment sa ikatlong telco player ng bansa, ang DITO Telecommunity.
Ano ang bottom line? Dahan-dahan nang kumakalas si Dennis Uy, kilalang kaalyado ni Duterte, sa pamamayagpag sa business industry, kasabay ng mga pagbabago sa larangan ng politika at negosyo. Ang kinabukasan ng DITO CME, at marahil maging ng mga Duterte, ay unti-unti na ring tumutumbok sa kawalang katiyakan. Ano sa palagay mo, Speaker Romualdez?
Imbestigahan ang LTFRB drama
Ang drama sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay isang nakalulungkot na pagpapamalas ng kalituhan at kawalang tiwala. Ginulat ng dating opisyal ng LTFRB na si Jeffrey Tumbado ang marami nang akusahan niya ng korapsiyon ang suspendidong chairman ng LTFRB na si Teofilo Guadiz III, na binawi rin naman niya kaagad ‘tsaka naglahad ng sanga-sangang impormasyon na maaaring may bahid ng kasinungalingan.
Ang paglaban-bawi ni Tumbado sa harap ng komite sa Kamara na nag-imbestiga sa kontrobersiya nitong Lunes ay hindi lamang naglarawan sa kanya bilang isang hindi mapagkakatiwalaang testigo; may suspetsang sinasadya niyang iligaw ang imbestigasyon. Tinukoy niya ang ‘bribery’ sa ahensiya bilang reklamo raw ng operators, pero inaming wala siyang hawak na matibay na ebidensiyang sangkot nga roon ang boss niyang si Guadiz. Ang madrama niyang pag-amin na sariling opinyon lamang niya ang kanyang inilahad ay nagmistulang ‘smoke screen’ para proteksiyunan ang isang tao, o isang bagay, o mismong ang kanyang sarili.
Bagama’t ikinakatwiran ni Tumbado na nangangamba siya para sa sariling buhay, ang kanyang biglaang pagkambyo at pagtangging isapubliko ang mahahalagang Viber messages ay nagpataas sa kilay ng marami. Ang nakalilitong kombinasyon ng mga affidavit na hindi pirmado at ang paiba-iba niyang pahayag ay lalo pang nagdulot ng bahid sa kredibilidad ng kanyang mga aligasyon.
Sa panig naman ni Guadiz, ang emosyunal na pakiramdam na ‘tila nasa rollercoaster na kanyang naranasan sa buong panahon nang pagdinig ay lalo lamang nagpatingkad sa kaguluhan at negatibong epekto na idinulot ng mga hindi mapatunayang akusasyon laban sa kanya. Hindi ko maipagbunyi ang ginhawang naramdaman ni Guadiz nang malinis ang kanyang pangalan, nananatili pa rin kasi ang kawalang kumpiyansa sa LTFRB, isang batik sa integridad ng ahensiya.
Sa gitna ng pabago-bagong mga pahayag, ang maliwanag ay may problema talaga sa loob ng LTFRB.
Sinabi naman ni Mar Valbuena, chairperson ng transport group na Manibela, sa komite na ibinahagi ng dating executive assistant ng LTFRB ang listahan ng mga korporasyon, kompanya ng bus, at mga indibiduwal na sangkot umano sa pagbibigay ng pondo sa LTFRB, para sa intensiyong apurahin ang pagpoproseso sa sari-saring dokumento.
Ibigay natin sa National Bureau of Investigation ang listahang ito at tiyakin ang isang komprehensibong pagsisiyasat sa mga seryosong alegasyong ito.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).