Home METRO Nag-AWOL na pulis-Maynila kalaboso sa P1M tsongki

Nag-AWOL na pulis-Maynila kalaboso sa P1M tsongki

QUEZON, ISABELA- Kulungan ang bagsak ng isang pulis na nag-Absent Without Leave o AWOL pagkatapos itong mahulihan ng mahigit P1 milyong  halaga ng marijuana sa Brgy. Samonte, Quezon, Isabela.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Joseph Curugan, hepe ng Quezon Police Station kay PCol. Julio Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO kinilala ang suspek na si Marbin Jay Pagulayan, 33-anyos, may asawa, dating nakatalaga sa Manila Police District Station 3, Metro Manila na tubong-Igac Norte, Tuguegarao City, Cagayan.

Batay sa report, habang nagpapatrolya ang ilang kapulisan ng Quezon PS sa kanilang nasasakupan ay may lumapit umano na isang concerned citizen at ipinagbigay-alam ang hinggil sa isang kahina-hinalang lalaking naka-backpack na ilang minuto nang nakatayo sa madilim na bahagi na gilid ng national highway malapit sa Commonwealth Rural Bank ng nabanggit na bayan.

Agarang nagtungo ang mga pulis sa nasabing lugar upang iberipika ang nakuhang impormasyon at pagkarating nila sa nasabing lugar ay agad nilang nakita ang nasabing lalaki na sa hindi malamang dahilan ay agarang tumakbo palayo pagkakita sa kanilang patrol car kung kaya’t kanila itong hinabol hanggang makorner malapit sa Q-Zone General Merchandise sa nasabi ding bayan.

Agad nila itong hiningan ng identification card at habang kinukuha nito ang ID sa traveling bag ay nakita ng isang pulis ang ilang rectangular bricks sa loob ng nasabing bag na naging dahilan upang magsagawa sila ng karagdagang inspeksyon kung saan matagumpay nilang nakuha mula sa bag nito ang sampung (10) bricks na nakabalot sa transparent tape na hinihinalang may lamang dried marijuana kaya agad nila itong inaresto.

Narekober din mula rito ang isang Vivo cellphone, isang sling bag, isang wallet, assorted IDs at cash na P1,252.

Samantala, agad namng isinagawa ang pag-imbentaryo at pagmamarka ng mga nakuhang ebidensya sa presensya ng suspek na nasaksihan ng barangay officials at media representative kung saan ang nakumpiskang sampung bricks ng marijuana ay may bigat na humigit-kumulang 9.4 kilograms at SDP na P1,128,000.

Dinala ang naturang suspek sa Quezon Community Hospital para sa kanyang physical examination pagkatapos ay sa himpilan ng Quezon habang inihahanda na ang kasong may kinalaman sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco

Previous articleVillar sa gov’t officials: PH protected areas tutukan
Next articleEx-Nabcor officials na sangkot sa PDAF scam hinatulang guilty