
SAGAD sa kalamnang saya sa mga nagwagi at ‘di maipaliwanag na lungkot sa mga minalas na kandidato ang iniwan ng nakaraang Barangay and Sanggunian Kabataan Elections sa buong bansa.
Ika nga, sa bawat laban may panalo at talo kaya maging sports lang. Sa mga victorious aba’y okay lang, nguni’t sa ‘di sinuwerte, mahirap tanggapin pero ‘di dapat mastress dahil may kasabihang “habang may buhay, may pag-asa”.
Ang pagpasok sa serbisyo-publiko ay hindi dapat ginagawang biro. Nguni’t nakalulungkot isipin na may mga kumakandidato na kaya tumatakbo ay ‘di paglilingkod ang laman ng isip kundi pansariling agenda kapag naluklok.
Sa tagal na botante ng inyong Chokepoint at saksi sa mga nangyayari sa mundo ng politika, ang mga honest o tapat na elective officials ay daig ng bilang ng mga kandidato na may pansariling interes kaya tumatakbo sa halalan.
Bihira na yaong mga kumakandidato na kaya nag-file ng Certificate of Candidacy ay bukal ang pagtulong sa kanyang mamamayan gaya ni Ambet Bautista, ang nanalong kapitan ng Barangay Tenejeros sa Malabon.
Kung tutuusin, si Bautista ay matagumpay na self-made rags to riches businessman na ‘di na dapat pumasok pa sa daigdig ng politika dahil dagdag problema lang at ang susuunging trabaho ay masalimuot.
Pero, dahil sadyang hilig tumulong sa mga walang-wala at makatotohanan ang tibok ng puso para maglingkod sa lipunan, natagpuan na lamang ni Bautista ang sarili sa hanay ng iba pang nais ding pasukin ang serbisyo publiko.
Bago ang larangan ng politika, si Bautista ay nakilala na sa pagsasagawa ng libreng medical missions at pagsugod sa mga kalamidad bitbit ang trucks ng ayuda sa mga naapektuhan ng kalamidad o trahedya, hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang lugar ng bansa.
Dahil sa mapagbigay na ugaling ito ng negosyante, siya ay binansagang ‘Hulog ng Langit’ ng mga tao, grupo na kanyang natulungan, hindi lamang ng mga food pack na dinadala, kundi financial assistance na iginagawad sa mga lumalapit na may problema sa kalusugan.
Ang kalinisan ng budhing maglingkod at ‘always- ready to lend a hand attitude’ ang naging sandata kaya nagdesisyon ang mga residente ng Tenejeros, Malabon pabor kay Chariman-elect Ambet Bautista sa katatapos na BSKE.