Home OPINION NAGLALAHONG MANILA BAY

NAGLALAHONG MANILA BAY

150
0

SA gitna nang napakalawak na Manila Bay, isang nakababahalang misteryo ang naghambalang: ang malawakang reclamation projects, bawat isa ay umaamot ng espasyo at ng pagkakataong bumida. Ang tugon ng gobyerno sa mga proyektong ito ay malayo sa nararapat, nakukulapulan ng mga hindi dapat palampasing kapalpakan na nangangailangan ng ating atensyon at pagbusisi.

Una, hindi maitatanggi ang kawalan ng konsiderasyon at pag-iingat sa hindi pagkakaroon ng komprehensibong cumulative impact assessment ng karamihan ng 32 naumpisahan nang reclamation projects. Ang isa-isang pagpapahintulot sa mga nasabing proyekto nang hindi isinasaalang-alang ang pangkalahatang magiging epekto ng mga ito ay maihahalintulad sa pagmamaniobra ng barko nang hindi inaalam ang lagay ng tatahaking karagatan.

Hindi naman direktang masisi ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang nakalipas na administrasyon. Pero alam naman nating lahat na ang mga proyektong ito ay ginawaran ng environmental compliance certificates (ECC) ng Department of Environment and Natural Resources sa panahon ni Duterte.

Alam ito ni Senator Cynthia Villar, na namumuno sa Senate Environment and Natural Resources Committee, at pikon na siya dahil karamihan ng mga reclamation project ay napagkalooban ng ECC kahit walang komprehensibong pag-aaral sa magiging epekto ng mga ito sa kalikasan.

Hindi isinaalang-alang ng kapabayaang ito ang panghabambuhay na pinsala sa maselang ecosystem ng lawa, malalantad ang mga komunidad sa paligid nito sa panganib ng malalaking alon ng kapahamakan.

Kung lilimiin ang kabuuan ng problema, matutuklasan natin ang nakababahalang pagpapatung-patong ng mga proyekto — isang kumplikadong sayaw ng kongkreto at ambisyon, bawat isa ay naghahangad ng parte sa lawa. Ang kaguluhang ito ay sumasalamin sa kawalan ng maayos na pamumuno, kung saan nababalewala ang regulasyon at koordinasyon, namamayani ang pansariling interes at galawang may kaugnayan sa politika. Sa lumalawak na “mosaic” na ito ng kongkreto, tuluyan nang naglaho ang tunay na diwa ng progresong sustainable.

Nakalulungkot ang kawalan ng pakialam ng gobyerno sa magiging epekto nito sa komunidad. Hindi karapat-dapat para sa mga komunidad, na nakapaligid at malapit na nakaugnay sa lawa, na maging collateral damage sila para sa katuparan ng pinapangarap na mga imprastruktura. Walong lalawigan ang nakaugnay sa Manila Bay at ang kapakanan ng mamamayan sa bawat isa sa mga probinsiyang ito ay hindi tamang malagay sa alanganin para lamang magkaroon ng katuparan ang hinahangad na engrandeng imprastruktura.

Ang ating coastal communities, na ang pamumuhay ay malapit na nakaugnay sa lawa, ay deserving ng mas magandang kapalaran, hindi iyong itatapon silang parang mga palutang-lutang na kahoy sa high tide ng progreso.

Posibleng ituloy ng pamunuan ng DENR ang plano nitong pag-isipan, pag-aralan, at pagkalooban ng tamang aksyon ang mga reclamation project na ito. Sinabi ni Loyzaga na bumuo na siya ngayong buwan ng grupo na magsusuri sa mga proyektong ito.

Naniniwala akong dapat na makibahagi ang ilang dayuhang eksperto sa grupong nagsusuri, habang pansamantala ay dapat na ipatigil ng DENR ang  reclamation activities hanggang sa makumpleto ang isang masusing cumulative impact assessment. Isa itong kapuri-puring pagsisimula para maisalba pa ang kinabukasan ng lawa, ginagabayan ng katalinuhan, at hindi ng bulag na ambisyon.

Bago tayo matapos, palakpakan muna natin si Mayor Honey Lacuna sa pagsasapubliko ng usaping ito noong nakaraang buwan nang magpahayag siya nang pagkabahala laban sa mga reclamation activities ng plastic king na si William Gatchalian, ng magkapatid na Tieng, at ni JR Legaspi.

Matatandaang inalmahan ng first lady mayor ng Maynila ang palihim umanong mga transaksiyon sa reclamation projects, binatikos ang paglabag sa tiwala ng mga nabanggit na investors sa pag-bypass sa City Hall nang direkta ang mga itong makipag-ugnayan sa Philippine Reclamation Authority.

Malinaw ang mensahe ng alkalde sa PRA: Dedmahin ang mga manloloko na walang opisyal na pag-endorso ng kanyang tanggapan.

Bravo, Mayor Lacuna! Tama lang na sitahin iyong mga nasanay nang nakikipaglokohan sa dilim.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

Previous articleMALABON DAD SEEKS PROBE ON VILLAGE CHIEF ‘ILLICIT ACTS’
Next articlePag-alis ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na pangako ng Pinas, ‘di tinupad – China

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here