PINASINUNGALINGAN ng isang negosyante na umano’y malapit na kamag-anak ni Pang. Bongbong Marcos Jr. na nanloko ito ng investor para sa kanyang negosyo.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Mario Pacursa Marcos, wala umanong legal na basehan ang kasong swindling na isinampa sa Department of Justice sa kanya ng biktima na si Phebie Aliman Dy, may-ari ng isang Triple A Construction company.
Ayon kay Marcos, si Dy ang nanloko sa kanya matapos umano nitong lumapit sa pamamagitan ng isang kaibigan para sa umanoy isang negosyo.
Dahil tiwala siya sa nag-refer, nagbigay umano si Marcos ng pera, titulo ng kanyang lupa sa Tivoli Royal Exclusive Subdivision at ang precious stone para sa iniaalok na negosyo.
Ngunit makalipas ang ilang buwan ay walang nangyari sa mga ibinigay niyang pera na naging dahilan para maghain siya ng kasong Estafa sa Makati City Prosecutor’s Office noong September 19, 2023.
Bukod dito ay may isinampa din umano itong kaso na qualified theft at grave threat dahil sa mga natatanggap niyang pagbabanta.
Itinanggi rin ni Marcos na kamag-anak niya si Pang. Bongbong Marcos Jr at kailanman ay hindi daw niya ginamit ang pangalan ng Pangulo sa anumang panloloko.
Ang golden medallion na kanya namang ipinamimigay na may mukha ni PBBM ay isang souvenir na kanyang pinagawa at ibinibigay niya ito sa mga shoot fest at malalapit na kaibigan pero hindi ginagamit sa panloloko.
Tiwala si Mario Pacursa Marcos na lalabas din ang katotohanan at magiging patas ang Department of Justice sa pag hawak sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Itinanggi rin niya na siya ay nagtatago na sa ibang bansa dahil nandito lang naman siya Pilipinas. RNT