Home METRO Nagpakilalang tauhan ng senador, tiklo sa pangingikil

Nagpakilalang tauhan ng senador, tiklo sa pangingikil

MAYNILA- ARESTADO ang tatlong katao sa umano’y pangingikil sa isang negosyante na may kinalaman sa Reclamation project sa Pasay City at nagpanggap na mga tauhan ni Senador Win Gatchalian sa isinagawang entrapment operation ng ahente ng National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD), noong Miyerkules.

Kinilala ang mga nadakip na sina Ryan Lester Lino, alyas “Luis David Tan,” Tina Joson, at Ma. Luisa Barlan lahat ay nagpakilalang tauhan ng nasabing senador.

Ayon kay NBI-AOTCD Chief Jerome Bomediano, nakuha kay Lino ang pekeng identification card at dokumento na nagpapatunay ng umano’y kontrata na pirmado ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano.

Sinabi ni Bomediano, nakatanggap sila ng report mula sa tanggapan ng senador na may mga taong nagpapanggap na staff nito at ginagamit sa pangingikil.

Sa reklamo ng isang biktima na hindi pinangalanan, hiningan siya ng suspek ng ₱500,000 kapalit ng landfill supply contract sa reclamation project sa Pasay City.

“Yung ibibigay niyo po na pera, na-i-advance ninyo po as lock-in, naka-notarize na po ‘yun. ‘Magkano po ‘yung project?’ sabi ko sa kanila. ₱800M. Bakit naging ₱800 million? ‘Yung ₱400M daw po para sa boulders at ₱400 million is… itatambak po diyan sa Pasay,” kwento pa ng biktima.

Lumutang rin ang isang pang biktima na si Modesto Gubaton, at sinabi nitong ₱700,000 ang hiningi sa kaniya ng mga suspek.

“Itong dalawa na nakausap namin, si Carlo Africa-Maderazo ang pakilala niya sa amin as per his ID from the Commission on Appointments, Luis David Tan, under the office of Senator Gatchalian. Siya ‘yun. Di ako maaaring magkamali,” ani Gubaton.

Depensa naman ni Lino napag-utusan lamang siya at sinabi hindi talaga siya tauhan ni Gatchalian.

Aniya, pina-rider lamang sa kanya at pinipilit na ipakuha sa kanya ang pera subalit hindi niya ito kinuha.

Mariin naman itinanggi naman ni Barlan ang akusasyon laban sa kanya habang wala naman komento si Joson.

Kinondena naman ni Gatchalian ang paggamit sa kaniyang pangalan.

“Again, let me be crystal clear: I will vehemently oppose any wrongdoing within or outside my office, and I will never authorize any individual to transact on behalf of my office,” ani pa ni Gatchalian./Mary Anne Sapico

Previous articleIlang media groups, pandemya sinisi ng PTFoMS sa delayed compensation sa Maguindanao massacre victims
Next articleLRT-2 may #LibrengSakay sa Dis. 10