
MULA sa paglalabas ng El Niño Alert noong March 2023 ay El Niño Advisory na ang inilalabas ng PAGASA, ibig sabihin nito, nagsimula na ang pag-epekto ng nasabing weather phenomenon sa bansa ngayong buwang ito ng Hulyo 2023.
Ayon sa weather bureau, hindi pa masyadong nararamdaman ang El Niño sa kasalukuyan pero unti-unti itong lalakas at bibigat ang epekto sa suplay ng tubig, agrikultura, enerhiya, kalusugan, at seguridad.
May mga kababayan kasi tayo na patuloy na ipinagkikibit-balikat ang alerts at advisories na inilalabas ng PAGASA dahil nagpapatuloy pa naman umano ang pagbuhos ng ulan.
Talaga namang normal na magkakaroon pa ng pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa dulot ng Habagat pero unti-unti itong mawawala sa pagpasok ng huling bahagi ng 2023 at inaasahang magtatagal hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Mas maaga sa naunang prediksyon, sinabi ng NWRB o National Water Resources Board na bumagsak na sa 178.80 meters ang antas ng tubig sa Angat dam, kaya naman nagbawas na rin ito ng alokasyon para sa MWSS o Metropolitan Waterworks and Sewerage System at sa NIA o National Irrigation Administration para sa pangangailangan ng Metro Manila at ng mga sakahan ng mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Kaya humanda na sa nine-hour water service interruption mula sa Maynilad Water na aapekto sa halos 600,000 na mga kabahayan.
Maaaring nagsimula ito kahapon July 12 o magsimula bukas (July 14) mula alas-siyete ng gabi hanggang alas-kuwatro ng umaga.
Kaya ipinapayo ng NWRB na kinakailangan ng maayos na pag-iimbak ng tubig na kakailanganin sa mga panahong walang suplay ng tubig, at ang disiplinadong paggamit nito sa lahat ng pagkakataon.
Kaya ipinapayo ng NWRB na kinakailangan ng maayos na pag-iimbak ng tubig na kakailanganin sa mga panahong walang suplay ng tubig, at ang disiplinadong paggamit nito sa lahat ng pagkakataon.
Para naman kay executive director Dr. Sevillo David, Jr. ay handa naman ang buong pamahalaan para harapin ang problemang hatid ng El Niño phenomenon lalo pa’t maagang nagbigay ng direktiba si President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ukol dito.
May mga nakalatag umanong plano ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan para mabawasan kahit papaano ang epekto ng El Niño sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.
Kaya kailangan nating gawing mga mamamayan ang ating bahagi sa problemang ito. Iyong pagsunod lamang sa panawagan ng pamahalaan sa pagtitipid sa tubig at enerhiya ay malaking bagay na, malaking tulong na para makabawas sa bigat ng epekto ng El Niño.
Hindi na bago ang weather phenomenon na ito, dumarating ito mula dalawa o pitong taon, at depende sa lakas nito ang nagiging epekto nito. Noong huling El Niño ng taong 2018 at 2019 ay “weak category” ito kung kaya hindi natin halos naramdaman kumpara noong taong 2015 at 2016. Sana ngayong edisyon niya ay hindi rin ito maghatid ng malaking pinsala sa ating mga mamamayan at sa ating bansa.