
MATAPOS na makalabas ng Philippine Area of Responsibility si Super Typhoon Betty nitong nagdaang Sabado, June 4, 2023, ay pormal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na nagsimula na ang panahon ng tag-ulan sa bansa, at kasama rito ang pagbisita ng mga bagyo. Inaasahan na may isa o dalawang bagyo na papasok sa PAR ngayon buwan pa lamang ng Hunyo, at inaasahang nasa kabuuang 15 hanggang sa October 2023.
Matagal nang ikinakampanya ni executive director Dr. Sevillo David, Jr. ng National Water Resources Board ang paggamit ng rainwater bilang alternatibong magagamit sa mga pang-araw-araw na gawain katulad ng paglalaba, pagdidilig ng halaman, paglilinis ng kotse at mga kasangkapan.
Gusto muna nating papurihan ang PAGASA kasama ang National Disaster Risk Reduction and Management Council gayundin ang MMDA o Metropolitan Manila Development Authority, PCG o Philippine Coast Guard, at marami pang ahensya sa naging paghahanda kay Super Typhoon Betty na pumasok sa PAR.
Dala ng dasal ng ating mga kababayan ay hindi ito tumama sa kalupaan kung kaya hindi ito masyadong nakapaminsala.
Naging mahigpit ang bilin ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na bantayang mabuti ang pagkilos ng bagyo upang makaiwas sa epektong dulot ng malakas na hangin at ulan. Ayaw na nating magulat na lamang na inaanod na ang mga tao at kabahayan o kaya ay nagkaka-landslide.
Sa inaasahang pagdating ng marami-rami pang mga bagyo, narito ang mga dapat nating tandaan kung may naitaas na babala sa inyong lugar:
1. Manatili sa bahay, huwag nang lalabas pa kung hindi naman talaga kailangan.
2. Makinig sa radyo o telebisyon para sa mga pinakabagong balita, gayundin sa mga awtoridad ng inyong Ba-rangay.
3. Sinupin ang tahanan at siguraduhing ligtas sa hangin lalong-lalo na ang mga bubong.
4. Putulin ang mga sanga ng kahoy na malapit sa tirahan.
5. Kung nasa binabahang lugar o landslide prone area, pumunta na agad sa evacuation center na inilaan ng lokal na pamahalaan. Huwag nang hintayin kung may magsusundo pa sa inyo.
6. Maghanda ng flashlight at portable radio na bago ang mga baterya. I-charge ang lahat ng mobile phones.
7. Siguraduhing maluwag ang kalsada o mga daan para sa mga sasakyang pang-emergency.
8. Maglaan ng stock ng pagkain, inuming tubig, gaas, baterya at first aid supplies.
9. Kung bumabaha na, isarado ang kuryente, ang kalan de gaas, at gripo ng tubig sa bahay.
10. Siguraduhing hindi maaabot ng baha ang mga mu-webles at appliances, gayundin ang mga chemical at kalat sa ating bahay.
11. Iwasang pumunta sa mga lugar sa komunidad na maaaring magkaroon ng pagkatibag o landslides.
12. Huwag makipagsapalarang tumawid sa tubig na malakas ang alon.
13. Huwag gumamit ng electrical equipment kapag may baha.
14. Huwag gamitin ang gas o electrical equipment na nalubog na sa tubig baha.
15. Pamalagiing bukas ang cellphone o linya ng telepono para sa anomang emergency. Importante ring malaman ang hotline numbers na puwedeng tawagan kapag nakararanas ng emergency.
Ibayong paghahanda ang kinakailangan ng lahat upang maiwasan na natin ang pag-ulit ng hagupit ng Bagyong Ondoy at Super Typhoon Yolanda na sumira ng maraming ari-arian at kumitil ng maraming buhay.