MANILA, Philippines – Tiniyak ng operator ng pangunahing gateway ng bansa sa publiko na malabo nang mauulit sa ‘Undas’ ang technical mishap at pagkawala ng kuryente na nagresulta sa bangungot sa paliparan noong Bagong Taon.
Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) senior assistant general manager Bryan Andersen Co na binago ng ahensya ang “critical electrical equipment” nito para mapataas ang reliability ng airport utilities.
Sinabi pa niya na ang Department of Transportation (DOTr) at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay “nagsagawa ng mga pagbabago at pagpapabuti” sa mga electrical system para sa air traffic control management center.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng CAAP na bumili ito ng mga piyesa para i-upgrade ang kanilang mga komunikasyon, nabigasyon, surveillance/air traffic management system upang maiwasan ang pag-ulit ng New Year’s Day glitch na nakaapekto sa mahigit 65,000 pasahero.
Ang mahabang oras na pagsasara ng Ninoy Aquino International Airport ay nagresulta sa mahigit ₱100 milyon na pagkalugi dahil sa mga nakansela at naantala na mga flight.
Libu-libong pasahero ang naapektuhan matapos ang Air Traffic Management Center ng NAIA ay humarap sa mga teknikal na isyu sa supply ng kuryente na nagpasara sa airspace ng bansa. RNT