
LABINDALAWANG araw na suspensyon ang ipinataw ng Movie and Television Review and Classification Board sa “It’s Showtime.” Ang parusa ay nag-ugat sa reklamong nagpakita umano ng kabastusan ang mga host ng It’s Showtime sa isang eksenang kumain ng cake si Vice Ganda at ang kanyang asawang si Ion.
Pinanindigan ni MTRCB Chair Lala Sotto ang kanyang desisyon, dahil naaayon daw iyon sa kanyang “spiritual convictions”.
Bagama’t ako ay masunuring Katoliko na pilit pinagyayaman ang aking pananampalataya, hindi ako sang-ayon sa desisyon na ito ng MTRCB.
Una, sino ba sila sa MTRCB para desisyunan kung ano ang bastos at hindi sa isang palabras? Meron ba silang mga malinaw na pamantayan at ginamit ba ang mga ito para mailabas ang desisyon ng suspensyon?
Pangalawa, hindi ako kumbinsido na ang “spiritual convictions” ay sapat na basehan para ideklara ng MTRCB na ang isang palabas ay lumabag sa pamantayan ng pamamatnubay kung ano ang pwede o hindi na panoorin ng mga ordinaryong tao. Paano kung ang isang palabas ay tungkol sa ibang relihiyon o paniniwala at hindi umaayon sa panlasa ng isang taga-MTRCB?
Hindi pwedeng ang pananaw o personal na mga paniniwala ng isang MTRCB official ang mananaig at masusunod na pamantayan kung ano ang katanggap-tanggap at hindi sa mga palabas sa telebisyo.
Pangatlo, sa modernong panahon ay dapat natin maintintidhan na ang mga konsepto nang kung ano ang “maganda”, “mahalaga” o “nakakatuwa” ay nagbabago at umiinog. Evolving baga, na baka noong nakaraan ay iba ang sukatan kung ano ang maganda, mahalaga o nakakatuwa, at iba naman ngayon sa panahong ito.
Kung noon ay asiwa ang marami sa relasyon ng isang bakla at isang lalaki, iba na ang panahon natin ngayon. At walang dapat magsasabi kanino man – sa mga nasa entertainment industry man o mga viewing public – na ang isang relasyon ng pag-ibig ay mali o walang lugar sa ating lipunan.
Suportado ko ang pananaw ng ilan nating mga kababayan na dapat na nga siguro buwagin ang MTRCB, kung hindi naman dapat yata ay pag-aralan muli nila ang kanilang mga alituntunin dahil sa konteksto natin ngayon, hindi na napapanahon ang mandato ng ahensyang ito.