Naka-wheelchair na nobyo sa nobya: ‘Till death do us part

Naka-wheelchair na nobyo sa nobya: ‘Till death do us part

June 28, 2020 @ 4:40 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Bulacan – “Till death do us part” ang pangunahing pangako na pumailanlang sa ikinasal kahapon sa kabila ng kawalang katiyakan na magtagal sa buhay ang isa sa kanila sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan kaninang umaga.

Naka-wheelchair ang groom na si Christopher Concepcion, 20, at mahinang-mahina nang makipagtagpo sa altar sa kanyang minamahal na si Chrislove Nicolas, 21, sa harapan ni Fr. Mar Lucas sa Holy Family Parish Church sa Catmon, Sta. Maria, Bulacan.

Kahit halos hindi marinig ang boses ni Christopher dahil sa hina at pautal-utal, hindi ito naging sagabal sa pangako nila ni Chrislove na sila’y magmamahalan hanggang sa paghiwalayin sila ng tadhana.

Napag-alamang pinutulan ng bituka si Christopher at kakaunti na lang ang natitira rito na pinagdugtong ng mga doktor sa Malolos Provincial Hospital na muntik na nitong ikinamatay.

Ang groom habang inihahatid sa altar ng kanyang amang si Apolinario Concepcion.

Isinagawa ang seremonya ng kasal kina Christopher at Chrislove, kapwa tubong Bulacan, sa paggabay ng kanilang mga magulang na sina Apolinario at Baby Doris Concepcion at Francisco at Marilyn Nicolas.

Nagsilbing mga ninong sina Guyong Barangay Captain, Graciano Gravador, Konsehal Eduardo Lorenzo, Mr. Gaudencio Barcial, Jr., Mr. Romeo Pascual at Mr. Rodolfo Gravador, Jr. at mga ninang naman sina Ms. Rhea Antoja Rivas, Ms. Eugenia Adriano, Ms. Sally Lorenzo, Ms. Lydia Bueno at Ms. Cristy Ricafort.

Sina Aldryn Concepcion at Reynalyn De Dios ang nagsindi ng kandila na simbolo ng liwanag sa landas na kanilang tatahakin bilang mag-asawa; sina Paulo Gravador at Patricia Concepcion ang nagkabit ng belo at pinagbuklod sila ng kurdon nina Kenneth Papa at Kristine Concepcion.

Bitbit naman nina Chrispaul Nicolas at Airish Ash Concepcion ang singsing at aras para sa masagana at masayang pagsasama ng mag-asawa.

Ang buong entourage sa kasalang Christopher at Chrislove

 

Bago ang seremonya ng kasal, pinagkalooban muna ng sakramento ng kumpil ang mag-asawa na sinaksihan ng kanilang mga piling ninong at ninang.

Pagkatapos ng kasal, bininyagan naman ang bunsong anak ng mag-asawa na sinaksihan din ng mga ninong at ninang ng bata na magsisilbing mga pangalawang magulang niya.

Sa reception na ginanap sa covered court ng Barangay Guyong, bumuhos ang luha ng ilang dumalo sa kasalan nang magbigay ng pautal-utal na pananalita at pasasalamat ang groom dahil sa naging katuparan ng kanyang mga pangarap sa kabila ng pinagdaanan niyang hirap, dusa at karamdaman. Lydia Bueno/Fred Cabalbag

Share

Comment (1)

  • lester Reply

    RIP PARENG TOPE SANA WALA KA NA SAKIT KUNG NASAN KA MAN NAPAKA BAIT MONG KAIBIGAN WALANG IWANAN KAHIT SAAN PARE PERO NGAUN MO LANG AKO INIWAN SALAMAT SA LAHAT PARE

    June 29, 2020 at 4:20 pm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...