MANILA, Philippines -Sinupalpal ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pahayag ng China na nagiging puppet ng Estados Unidos ang Pilipinas sa paglaban nito sa karapatan sa West Philippine Sea (WPS).
“The favorite Chinese narrative, is that this is all a play of the United States and that we are just marionettes or puppets or ‘tuta’ ng mga Amerikano na sumusunod sa playbook nila (subordinates of the Americans following their playbook),” ani Teodoro sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing nitong Miyerkules ng hapon, Oktubre 25.
Dagdag pa niya, ang alegasyong ito ng China ay lubhang nakakainsulto para sa mga Filipino dahil tila sinasabi nitong walang abilidad ang bansa na manindigan para sa sariling karapatan.
“And I think this is really looking down on us and that really disgusts me, and so hinihimok ko po ating mga kababayan na talagang tumindig laban dito sa pag insulto ng China sa atin,” sinabi pa ni Teodoro.
Bago rito, matatandaan na sinabi ng DND chief na walang balak makipag-giyera ang Pilipinas sa China at pinoprotektahan lamang natin ang maritime territories laban sa panggigipit ng China.
Katanggap-tanggap din umano ang pagprotekta ng Pilipinas sa teritoryo nito sa ilalim ng international law.
Hindi umano palalampasin ng pamahalaan ang pagpapakalat ng maling impormasyon ng China patungkol sa presensya ng Pilipinas sa WPS. RNT/JGC