Home OPINION NAKAPAGTATAKA

NAKAPAGTATAKA

NOONG Lunes, pumutok ang balitang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang indibidwal ang back up car ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. sa Quezon City.

Ang sasakyang Toyota Hi Lux, na ipinahiram ni Catapang sa kanyang deputy director general for administration na si Al Perreras, ay minamaneho  noon ni Corrections Officer 1 Cornelio Colalong habang sakay naman si Corrections Officer 1  Leonardo Cabaniero.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pasado ala 6:30 ng umaga habang nasa Skyway ang sasakyan para sunduin si Perreras ay bigla na lang nag-overtake ang hindi pa natutukoy na sasakyan ng mga suspek na nag-overtake rin sa isa pang back up car na minamaneho ni Corrections Officer 2 Edwin Berroya kasama ang pasaherong si Corrections Officer 2 Michael Magsanoc.

Biglang pinaputukan ng mga salarin ang sasakyang kinalululanan nina Colalong at Cabaniero.Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa Nagtahan exit Skyway.

Bagay na bagay yata rito ang awit na pinasikat ni Hadji Alejandro na “Nakapagtataka.” Bakit? Kasi nga hindi naman natukoy ang sinasakyan ng mga salarin. Imposibleng hindi nakuha ng mga taga BuCor.

Pero sa malalimang imbestigasyon, tiyak na makikita iyon sa CCTV na nasa toll ng Skyway.

Kaya tama lang na mag-imbestiga ang Philippine National Police upang matukoy kung totoong nagkaroon ng ambush kahit pa sinabi ni Catapang na nakatatanggap na sila ni Perreras ng death threats mula nang ipatupad nila ang iba’t ibang reporma sa BuCor.

Lagi naman kasing dahilan ng mga ambush ay dahil sa mga pagbabagong kanilang ipinatutupad sa kanilang mga tanggapan. Lumang dahilan na iyon.

Kasi naman may mga opisyal na sila mismo ang nagplano ng “ambush me” para lang sumikat at mapag-usapan. Hindi sinasabi ng inyong Juan de Sabog na peke ang ambush na nangyari. Ang sinasabi natin ay kailangan talaga ang malalimang imbestigasyon upang mabatid kung may pangyayari nga sa Skyway noong Lunes.

May mga balita kasi noon na may mga nakaplano ng programa na magaganap sa ilang ahensya ng pamahalaan dahil sa pagnanais na makaupo sa pwesto, makilala dahil sa planong pagpasok sa politika.

Previous articleSINISILIP NG OMBUDSMAN ANG CHOCOLATE HILLS RESORT
Next articlePAGSUSULONG SA PAGKAKAISA, KAPAYAPAAN AT KAUNLARAN