Home METRO Nakaparadang dump truck sinunog ng 5 indibidwal sa Cavite

Nakaparadang dump truck sinunog ng 5 indibidwal sa Cavite

MANILA, Philippines – Limang kalalakihan na hindi pa mabatid ang pagkakakilanlan ang pinaghahanap makaraang sunugin ng mga ito ang ang isang dump truck na panghakot ng basura na nakaparada sa kahabaan ng Silang- Paliparan Rd, Brgy Paliparan 1, Dasmarinas City, Cavite.

Base sa ulat, ang sinunog umano ng limang kalalakihan ay isang 10 wheeler dump truck na HOWO na may plakang NH B8625 na pag-aari ng isang Nelson Ching ng Metro Waste Solid Waste Management Corporation.

Napag-alaman na dakong alas-4:00 ng madaling araw nang sunugin ng limang kalalakihan ang nasabing dump truck habang nakaparada ito sa nasabing kalsada ng naturang lugar.

Mabilis namang naipaalam ang insidente sa Dasmarinas Component City Police Station kung saan rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) at kaagad na naapula ang apoy bandang alas-5:44 ng umaga.

Tinatayang nasa P3,000,000.00 ang halaga ng pinsala sa nasabing dump truck, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP kaugnay sa nasabing insidente. Margie Bautista