MANILA, Philippines – Nag-deploy ng response team ang Philippine Coast Guard (PCG) upang mapigilan ang oil spill na natukoy sa dalawang munisipalidad sa Batangas nitong Martes ng umaga, Mayo 23.
Napansin ang oil spill sa Brgy. 4 sa Calatagan at sa Brgy. Kamias sa Mabini, ayon kay Capt. Vic Acosta, commander ng PCG Station – Batangas.
Ayon sa opisyal, magkahiwalay na insidente ito at naireport sa kanila alas-8:30 ng umaga.
Sinabi ni Acosta, na agad nagpadala ang PCG ng oil spill response team at oil spill response equipment kaya agad itong na-contain.
Dagdag pa, nakatutok ang clean-up operation sa Mabini dahil ang spillage sa Calatagan ay nag-evaporate na.
Sa ngayon hindi pa batid ng PCG at patuloy pang inaalam kung saan nagmula ang oil spill o kung ito ay galing pa rin sa MT Princess Empress na lumubog sa Oriental Mindoro noong Pebrero 28.
Wala naman aniyang iba pang maritime accident na nangyari sa lugar habang ang port operations ay itinigil din. Jocelyn Tabangcura-Domenden