ANTIPAS, Cotabato City- Patay ang isang barangay kagawad na kapapanalo lamang sa katatapos na BSKE matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek nitong Martes ng umaga sa bayang ito.
Kinilala ang biktimang si Edmar Perero, 34, pangalawang kagawad ng Barangay Dolores.
Batay sa report ng Antipas Municipal Police Station, bandang alas-8:20 ng umaga nang maganap ang krimen sa Purok 4, Barangay Magsaysay ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle at binabaybay ang nasabing lugar ng bigla na laman siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspek.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima at tumilapon ito sa kanal at bago tumakas ang mga suspek at muling pinagbabaril ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng mga basyo mula sa.45 pistol at 9-mm pistol.
Inaalam na ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek sa agaran ikadarakip sa mga ito. Mary Anne Sapico