Home METRO Nang-holdap ng delivery rider nalambat sa P’que

Nang-holdap ng delivery rider nalambat sa P’que

MANILA, Philippines- Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Substation 2 at Station Intelligence Section (SIS) ng Parañaque City police na nagresulta ng pagkakaaresto sa suspect na nangholdap sa isang delivery rider Biyernes ng madaling araw (Agosto 18).

Sa tulong ng mga opisyal ng barangay kaugnay sa nag-viral na video sa social media ay nadakip ang suspect na kinilalang si Jovi Perido, 33.

Base sa report ng Parañaque City police sa Southern Police District (SPD), naganap ang panghoholdap ng suspect sa biktima na kinilala lamang sa alyas na Janjan, 29, dakong alas-10:30 Huwebes ng umaga sa kahabaan ng Cabesang Cicilio St., Barangay Tambo, Parañaque City.

Ayon sa salaysay ng biktima, tinutukan siya ng kutsilyo at sabay pagdeklara sa kanya ng suspect ng holdap.

Matapos ang deklarasyon ng pangho-holdap ng suspect ay pwersahang kinuha nito ang cellular phone at perang kinita ng biktima sa kanyang delivery service ngunit nagalit ito nang pumalag ang huli.

Sinuntok ng suspect ang biktima at ilang beses itong inundayan ng saksak ngunit masuwerte namang nasasalag ito ng huli.

Sa kabutihang palad ay nasaksihan ng mga tambay sa lugar ang pangyayari na sila namang rumesponde sa biktima kung saan agad na tumakas ang suspect.

Sa agarang pagsasagawa ng hot pursuit operation ng mga tauhan ng Station 2 at SIS ay agad na naaresto si Perido dakong alas-3  ng madaling araw nitong Biyernes (Agosto 18).

Narekober sa posesyon ng suspect sa kanyang pagkakaaresto ang isang kutsilyo na may habang 16 na pulgada.

Kasong attempted robbery hold-up ang kinahaharap ni Perido na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police. James I. Catapusan

Previous article11 nasagip sa tumaob na bangka sa Quezon
Next article4 pang NPA sumuko sa N. Samar