Home OPINION NANG MAHATI ANG NAGKAKAISA

NANG MAHATI ANG NAGKAKAISA

ANG Marcos at Duterte dynasties, na minsang naging solidong kampeon ng pagkakaisa at pagbabago, ay gumuho sa pagpapamalas ng kanilang lumalalim na alitan at agawan sa kapangyarihan.

Ang Bagong Pilipinas rally nitong Linggo, na layuning magpakita ng pagkakaisa at pagsasama-sama, ay naglantad ng lumalabong ugnayan sa pagitan nina Pangulong Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio, dating hindi matibag-tibag na magkaalyado sa eleksyon na ngayon ay halatado pero hindi pa diretsahang inaamin na magkaaway.

Malinaw ang ‘irony’ sa pagsusulong nila ng pagkakaisa habang kapwa sangkot sa palitan ng pambabatikos at akusasyon ng korapsiyon… katamaran at kawalan ng pagmamahal sa bayan. Tama ba, Speaker Martin Romualdez? Tama ba, Davao City Mayor Baste Duterte?

Sa Quirino Grandstand, ipinangalandakan ni Marcos ang hungkag na pangako ng isang “Bagong Pilipinas” habang, ang kabaligtaran, ginawa na lang nilang palaruan ang bansa para sa kani-kanilang personal na gantihan at magkasaliwang agenda. Nagpakaprangka naman ang kapatid ng Pangulo, si Sen. Imee Marcos, nang isama sa kanyang panalangin na magkaroon daw sana ng kaliwanagan ang Presidente at “distance himself from the demons around him in the Palace.”

Ang Duterte rally sa Davao City, na itinapat sa event na inorganisa ng administrasyon, ay nagbibigay-diin sa isang nahahating bansa. Sa entablado, binanatan ng nakababatang kapatid ng Bise Presidente, si Mayor Baste, si Bongbong Marcos at hinamon itong magbitiw na sa puwesto.

Ang malinaw lang, idinahilan ng parehong kampo ang malasakit daw nila sa mamamayan, na taliwas sa kani-kanilang paghahangad sa kapangyarihan isang taon bago ang importanteng mid-term elections sa 2025, kung saan magiging maliwanag na ang lagay ng politika habang nakaabang ang lahat sa paghahalal ng susunod na presidente sa 2028.

Ang nabahiran nang ugnayan ng mga Marcos, Duterte, at kani-kanilang mga kaalyado sa politika ay patunay lamang na ang panawagan nila noon na pagkakaisa ay mga alingawngaw na lamang sa harap ng lumalala nilang alitan. Hindi solusyon ang mga rally na ito sa mga problemang araw-araw na hinaharap ng mga Pilipino; kani-kanyang drama lamang sila upang maisantabi ang mga tunay na importanteng usapin.

Hindi karapat-dapat sa sambayanan ang mga ganitong ‘political circus’. Kailangan ng mga Pilipino ang mga pinuno na ang prayoridad ay ang kapakanan ng mamamayan at hindi ang kanilang personal na gantihan at agawan sa kapangyarihan. Maging ang tinatawag na pagpupursige sa “Cha-cha” ay nagmukhang katawa-tawa nang mabahiran na rin ng alegasyon ng korapsyon.

Sa magulong dramang pampolitika na ito, naglaho na ang moralidad ng mga Marcos at Duterte para magsalita tungkol sa pagkakaisa at reporma. Hindi pag-asa ang hatid ng mga rally na ito kundi patunay ng pagiging makasarili na gumigiyagis ngayon sa politika sa Pilipinas.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articleSAD STATE OF PHILIPPINE PUBLIC RESTROOMS
Next articleSIGA, MANDARAYANG DAYUHANG NEGOSYANTE