HALOS dalawang linggo nang nakabarikada ang mga residente ng Sibuyan Island sa Romblon. Pinipigilan nilang makapag-loading at magkapaglabas ng mahigit na 6,000 tonelada ng nickel ore ang ALTAI Philippines Mining Company .
Anang mga residente, iligal umano ang pagmimina dahil kulang sa permit ang kumpanya. At nitong Byernes, nagkaroon ng girian sa barikada nang pwersahang iginilid ng mga pulis ang mga nakaharang na mga tao para makapasok ang tatlong truck ng mga minero.
Paliwanag ng mayor ng bayan ng San Fernando, wala raw s’yang magagawa dahil pinayagan ng national government ang minahan na mag-operate. Meron na raw kasing pirmadong mining contract at meron ding mga permit na magbiyahe ng mga bato o nickel ores at i-export ang mga ito.
Giit naman ng mga local na makakalikasang grupo, walang business permit o mayor’s permit ang minahan, walang barangay clearance at wala ring permit ang pantalan (port) na s’yang nagiging loading area para ilabas ang mga bato.
Bakit nga ba emosyonal na tumututol ang mga Sibuyanon sa pagmimina? Sa research ko, nalaman ko na para naman talagang paraiso ang Sibuyan Island sa ganda at linis ng mga likas-yaman nito.
Malaking bahagi ng isla ay deklaradong protektado dahil sa Mt. Guiting-Guiting Protected Landscape. Ito daw ang pinaka-mahirap akyatin na bundok dito sa Pilipinas, at dito nagte-training ang Pinoy mountaineers na sumasabak sa Mt. Everest. Ang malaking bahagi ng kabundukan ay primary rainforest.
Nasa loob din ng Sibuyan ang tinaguriang ‘cleanest inland freshwater’ o mga pinaka-malinis na batis at mga ilog. Sa sobrang yaman ng samu’t -saring buhay sa Sibuyan, nabansagan itong “Galapagos of Asia”.
Isang malaking hamon ngayon sa Department of Environment and Natural Resources at kay Sec. Yulo-Loyzaga kung paano mareresolba ang krisis sa Sibuyan Island.
Papayagan ba ng kagawaran na magpatuloy ang minahan at ma-sakripisyo ang likas na yaman sa isla? O papanig ang gobyerno sa mga tao na naninidigan laban sa mapanirang pagmimina?
Inialay ni dating Municipal Councilor Armin Marin, isang environmentalist, ang buhay n’ya sa pagtatanggol sa Sibuyan at labanan ang mga minero. Pinaslang si Marin noong Oktubre 3, 2007 matapos makipagpalitan ng salita sa isang empleyado ng mining company. Hindi raw ito makakalimutan ng mga Sibuyanon, kaya hindi nila papayagan ang pagmimina.