Home METRO Nasa 200K inaasahang lalahok sa QC Pride March

Nasa 200K inaasahang lalahok sa QC Pride March

MANILA, Philippines- Inihayag ng Quezon City local government na inaasahan nitong nasa 150,000 hanggang 200,000 indibidwal ang makikilahok sa Pride PH Festival March ngayong taon.

Magsisimula ang float parade ng alas-3 ng hapon na manggagaling sa Tomas Morato Avenue at inaasahang aabot sa Quezon Memorial Circle ng alas-6 ng hapon.

Ayon kay Quezon City Traffic and Transport Management Head Dexter Cardenas, 14 floats ang makikilahok sa parada na may tinatayang 20,000 crowd.

Sinabi pa ni Cardenas na uumpisahan ng ilang miyembro ng LGBTQIA+ community ang parada nila sa kahabaan ng Matalino Street at lalahok sa mas malaking grupo mula Tomas Morato Avenue patungong Quezon Memorial Circle.  

“Tatlong areas, yung sa Quezon Memorial Circle as early as 9 o’clock meron ng event d’yan. Matalino Street will be closed to traffic from midnight up to the whole of Saturday and then sa Tomas Morato from Timog to Scout Albano – mga 1 p.m., mag-start yung assembly ng motorcade ng mga floats and participants ng LGBTQIA+ pride parade nila…as early as 3 p.m., expected time of departure nila dun sa area,” ani Cardenas.

Bukod sa local traffic enforcers ng Quezon City government, ayon kay Cardenas, magtatalaga rin ng mga tauhan ng Philippine National Police at MMDA upang pangasiwaan ang trapiko sa lugar.

Samantala, sinabi ni MMDA acting chairman Atty. Romando Artes na simula ngayong Sabado, Hunyo 22, 2024, pansamantalang ipagbabawal sa mga bus at truck ang paggamit ng U-Turn slots sa ilalim ng EDSA-Quezon Avenue flyover sa Quezon City dahil sa retrofitting ng flyover.

“Nakikipag-coordinate na po tayo sa LGU…We’ll try to manage as much as possible nitong lugar para yung mga mag-u-u-turn ay hindi naman maabala at makadagdasg sa traffic especially may celebration ng pride month…Konting inconvinience lang naman po ito,” ani Artes.

Ayon sa opisyal, inaasahang matatapos ng DPWH ang ginagawa nito sa ilalim ng flyover sa Agosto 4. RNT/SA