Home METRO Nasa likod ng W. Visayas power outage pananagutin ng Iloilo provincial gov’t

Nasa likod ng W. Visayas power outage pananagutin ng Iloilo provincial gov’t

MANILA, Philippines- Kinokonsidera ng Iloilo provincial government na maghain ng class action suit laban sa mga responsable sa power outage na nakaapekto sa mga residente at negosyo sa Western Visayas noong nakaraang linggo.

“We will find legal recourse so that we can vindicate. I-vindicate natin ang damage that has been done to our people,” pahayag ni Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. sa ulat nitong Martes.

“Ang isa pang purpose nito na we will continue to apply pressure so that it will not be repeated,” dagdag ni Defensor Jr. 

Noong January 3, nawalan ng kuryente sa Panay Island dahil sa “tripping” mh power plants sa isla.

Naibalik na ang kuryente sa lugar subalit hindi inaalis ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang posibilidad na maulit ito.

“Dahil hindi rin alam ng NGCP ang operations ng power plants at wala kaming kapangyarihan sa kanila, hindi natin masasabi kung mangyayari ulit ‘yan kasi hindi natin kontrolado ang operasyon ng mga power plants,” pahayag ni NGCP Spokesperson Cynthia Alabanza. 

Nanawagan naman ang mga miyembro ng Kamara at Senado na imbestigahan ang isyu.

Umapela rin ang ilang mambabatas na busisiin ang prangkisa ng NGCP kabilang si Ilocos Norte First District Rep. Sandro Marcos na naghain ng resolusyon na nagtutulak ng posibleng paghihiwalay at paglilipat ng systems operation function mula sa NGCP sa ibang entity, “which could carry out such function more efficiently.”

“Kasama diyan sa prangkisa ng NGCP ang kabuuang serbisyong pang-transmisyon kasama ang engineering, ang operations and maintenance, pati na rin ang system operations,” ani Alabanza. 

“Naniniwala kami na importanteng bahagi ng serbisyong pang-transmisyon ang system operations,” patuloy niya.

Handa naman ang NGCP na humarap sa legislative inquiry. Bubuksan ng Senado ang imbestigasyon nito ngayong Miyekules habang sisimulan ng Kamara ang pagtalop sa isyu sa Huwebes.

“Kung mabibigyan kami ng patas na boses at titingnan ng maigi ‘yung datos na nakalap sa sistema, mapapatunayan na hindi ang NGCP ang naging dahilan dito sa economic losses na nangyari,” wika ni Alabanza. RNT/SA

Previous articleRichard at Guttierez fam, burado na sa IG ni Sarah!
Next articleKasintahan pinaslang, anak ginahasa ng kelot!