TUWING mga buwan ng January at July, nagsasagawa ng kampanya ang Department of Health kaugnay sa ‘National Deworming Month’ katuwang ang Department of Education at iba’t ibang local government units sa bansa.
Kinikilala kasi ng DOH ang Soil Transmitted Helminths o bulate na isang public health problem na may direktang epekto sa kalusugan ng mga bata at kabataan. Ang pagkakaroon kasi ng maraming alaga sa tiyan ay nagiging dahilan ng anemia, malnutrition, panghihina, mabagal na pag-unlad ng pangangatawan at kaisipan at pagiging mahina sa klase.
Ang mga bulate ang salot sa ating mga bituka. Sila ang umaagaw ng nutrisyon na dapat ay nakukuha ng ating mga katawan. Ang sakit na ‘ascariasis’ ay may kaugnayan sa kakulangan ng kalinisan. Ang pangunahing paraan nang pagsugpo sa ascariasis ay ang tamang pagtatapon ng dumi.
Ang ascaris ay pinakakaraniwang bulate na namamahay sa bituka ng tao. Mapuputi o rosas ang kulay nito. Ang mga itlog ng ascaris ay lumalabas kasama ng dumi at ito ay napupunta sa lupa o tubig. Dahil dito, ito ay masyadong maliit kaya di masyadong nakikita at maaari itong matangay ng maruruming kamay, paa o maruruming galamay ng hayop. Kapag nalunok ang itlog, napipisa ito sa bituka. Ang isang babaeng ascaris ay maaaring mangitlog ng 200,000 sa isang araw.
Ang pagdaan ng ‘larvae’ o batang bulate sa baga ay maaari ring maging sanhi ng problema tulad ng ubo at ubong may kasamang dugo.Ang malimit na pagsakit ng tiyan ang isa sa mga pangkaraniwang sintomas ng ascariasis. Ang mga batang maraming bulate ay may malalaking tiyan samantalang payat ang mga braso at binti. Sila ay mapuputla dahil kinakain ng mga bulate ang lahat ng nutrisyon na dapat ay makuha ng kanilang katawan mula sa mga kinakain.
Sa datos ng DOH, anim sa bawat sampung bata na may edad isa hanggang lima at lima sa bawat sampu naman na nasa edad na 6 hanggang 14 ay apektado o nagtataglay ng STH.
Nagsasagawa ang DOH ng nationwide school deworming activity at ng community-based deworming program na sinasabayan ng information drive sa mga bata, kabataan at kanilang mga magulang, nagsasagawa din ng karagdagang mga kasanayan para sa mga provincial at regional healthcare workers, at implementasyon ng WASH o ang water, sanitation and hygiene strategies na mahalagang bahagi ng deworming.
Kapansin-pansin sa mga komunidad na nasa kategorya bilang geographically isolated and disadvantage areas na pawang malalaki ang tiyan ng mga bata na animo’y bundat, hindi ito palatandaan ng maayos na kalusugan kundi pagkakaroon ng maraming bulate sa katawan.
Nakukuha ang mga bulate sa hindi wastong paghuhugas ng mga kamay lalo na kapag galing sa paglalaro sa labas ng bahay ang inyong mga anak, sa mga pagkaing hilaw, at sa maruming kapaligiran tulad ng banyo.
Ibayong kalinisan ang sagot sa pagpuksa sa mga bulate.