Home OPINION NATIONAL DOWN SYNDROME CONSCIOUSNESS MONTH

NATIONAL DOWN SYNDROME CONSCIOUSNESS MONTH

ANG inyong Agarang Serbisyo Lady at ang ating programa ay nakikiisa sa paggunita ng “National Down Syndrome Consciousness Month” ngayon buong buwan ng Pebrero 2024 alin­sunod sa Presidential Proclamation No. 157.

Batay sa datos, isa sa bawat walong daang ipinapanganak na sanggol sa Pilipinas ay nagkakaroon ng Down syndrome na isang genetic condition kung saan ang isang sanggol ay nagkakaroon ng karagdagang chromosome 21, alam n’yo ba na 47 chromosomes ang kanilang taglay sa halip na 46 lamang.

Nakaaapekto ito sa physical growth and cognitive ability, nagdudulot ng mild to moderate developmental issue, at may mataas na banta sa kalusugan.

Madalas na bago pa sumapit sa ika-labingdalawang taong gulang hanggang ika-dalawampu’t lima ay namamatay na ang isang person with down syndrome dahil sa congenital heart disease na siyang “common disease” sa kanilang sektor. Pero sa kasalukuyan, umaabot na hanggang 60 years old ang nabubuhay dahil na rin sa makabagong teknolohiya sa medisina.

Tinatayang nasa mahigit 100,000 na pamilya ang mayroong may down syndrome sa bansa.

Iba-iba ang kuwento at karanasan ng mga person with down syndrome, mayroong mga inabandona ng pamilya, may mga hindi napapatingnan sa mga espesyalista dulot ng kahirapan, ngunit mas namamayani ang istorya ng mga magulang, kadugo at ordinaryong tao na nagbibigay ng pagkalinga at pagmamahal sa kanila.

Sa tulong ng mass media at ng social media, lumalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa mga person with down syndrome. Ang atin ngang Miss Universe Philippines 2023 na si Michelle Marquez Dee ay ito ang siyang dinalang adbokasiya sa kanyang pagkahok sa Miss Universe 2023 sa bansang El Salvador, at nakakuha ito ng global attention.

Ang mga person with down syndrome ay hindi na dapat kinakaawaan lamang kundi nararapat na tinitingnan bilang isang produktibong sektor na may kakayahan sa iba’t ibang larangan at talento.

Ang labis na chromosome  sa kanila ay natumbasan ng mas maraming pagkalinga, pagmamahal at oportunidad.

Previous articleBabaeng sangkot sa child pornography pinatawan ng lifetime imprisonment, multang P2M
Next articleFEELING UNTOUCHABLE PA RIN SI QUIBOLOY