MANILA, Philippines – NAKAHANDA ang national government na tulungan ang local government units (LGUs) sa bantang dala ng Super Typhoon Mawar na may bitbit na matinding pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Makikita sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA na bahagyang lumakas si Mawar at maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility, Biyernes ng gabi, Mayo 26 o Sabado ng umaga.
“We have already warned the LGUs to prepare in case of heavy rains and flooding. So ang aming ginagawa ay we leave it to the LGUs right now to make the call kung ano ang gagawin nila,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Pero nandito lang, sinasabi namin the national government is here to assist. We are in constant contact with the local governments para makita natin what is the situation in their place,” dagdag na wika nito.
Samantala, tinalakay na ni Pangulong Marcos ang typhoon preparations kay Defense officer-in-charge Undersecretary Carlito Galvez.
Nagpalabas na rin ng kalatas ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagsasabing ang buong gobyerno ay nakahanda para sa posibleng epekto ng bagyong Mawar.
Pinaalalahanan naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang local government units na simulan na ang preparasyon.
Aalamin naman ani Pangulong Marcos ang mga pangangailangan ng LGUs matapos ang posibleng pagsalanta ng bagyo upang sa gayon ay kaagad na matugunan ng maayos ang kani-kanilang situwasyon.
Nauna rito, sinuspinde ng Philippine Ports Authority (PPA) ang sea trips sa Cebu City at Calbayog City upang bigyang-daan ang paghahanda ng shipping line para sa Super Typhoon Mawar. Kris Jose