MANILA, Philippines – Sa botong 21-0-0, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes ang panukalang batas ni Sen. Robin Padilla, na nagdedeklara ng Pebrero 1 bilang National Day of Awareness on the Hijab and other Traditional Garments and Attire.
Pinasalamatan ni Padilla ang kapwa niyang senador para sa kanilang suporta para sa Senate Bill 1410, na aniya’y susulong sa pagkakaunawaan sa pagkakaiba ng kultura, tradisyon at pananampalataya.
“Napaka espesyal po ng araw na ito hindi lamang po para sa ating mga kapatid na Muslim kung hindi para sa lahat ng Pilipinong naghahangad ng mas malalim na pag-unawa sa pagkakaiba ng kultura, tradisyon, at pananampalataya,” aniya matapos ang pagboto.
“Sa ating paghahangad ng isang lipunang walang diskriminasyon, napakahalagang kilalanin at harapin – hindi takasan at iwasan – ang mga partikular na hamon na kinakaharap ng isang komunidad,” dagdag ng mambabatas.
Binati ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Padilla sa pagpasa ng kanyang “first measure as senator.”
Ang Senate Bill 1410 ay ihinanda ng Senate Committees on Cultural Communities and Muslim Affairs kung saan tagapangulo si Padilla; at ang Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Advertisement