DUMAGUETE CITY- Pumanaw na si National Scientist Dr. Angel C. Alcala nitong Miyerkules ng hapon sa isang ospital sa lungsod sa edad na 94.
Si Alcala, na itinuturing na “ama” ng marine protected areas (MPAs), ang vice chairperson ng Silliman University Board of Trustees bago siya namatay.
Itinalaga siya bilang ika-9 na presidente ng Silliman University noong 1991 subalit nanungkulan lamang sa loob ng dalawang taon matapos iyang maging Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary sa administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Iginawad naman ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III kay Alcala ang Order of National Scientist of the Philippines award sa Biological Sciences para sa kanyang research work sa amphibians at reptiles, marine biodiversity, at marine protected areas.
Nanungkulan din si Alcala bilang Commission on Higher Education chairperson hanggang 1999.
Itinatag niya ang Silliman University Marine Laboratory noong 1974, na kilala na ngayong Institute of Environmental and Marine Sciences.
Gayundin, ang national scientist ang nagtatag ng Angelo King Center for Research and Environmental Management sa Silliman University.
Noong 1992, tinanggap niya ang Ramon Magsaysay Award para sa “pioneering scientific leadership in restoring and protecting coral reefs” sa Pilipinas
Pinangunahan din niya ang pagtatatag ng no-take marine sanctuaries at community-based coastal resources management, partikular sa world-renowned dive destination, Apo Island sa bayan ng Dauin, sa lalawigan ng Negros Oriental. RNT/SA