Home NATIONWIDE Natitirang ST Nikolas crew palalayain ng Iran kapag mapalitan – DFA

Natitirang ST Nikolas crew palalayain ng Iran kapag mapalitan – DFA

PAHIHINTULUTAN ng Iran na palayain ang lahat ng crew members ng kinumpiskang ST Nikolas sa oras na dumating na ang kanilang kapalit na magbabantay sa barko.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may 17 mula sa 19 na orihinal na crew members ang nananatiling sakay ng ST Nikolas matapos palayain ang isang Filipino cadet nito lamang unang bahagi ng buwan at Greek cadet naman noong Enero.

Winika ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega na bagama’t nakadaong lang ang barko ay dapat na mayroon pa ring nakaistasyon na tripulante.

“Ito’y legal seizure according to the Iranian authorities ayon sa isang Iranian court order. In other words, ang trato sa kanila ay hindi hostages parang empleyado pa rin ng agency,” ayon kay de Vega.

Giit pa rin nito na legal na pagkumpiska ang ginawa ayon sa mga awtoridad ng Iran base na rin sa court order ng naturang bansa kayat ang trato sa mga crew ay hindi mga bihag kundi parang empleyado pa rin ng agency.

Para naman sa sahod ng crew na nagbabantay sa naturang barko, dinoble ng concerned manning agency ang kanilang mga sahod.

Hindi naman tinanggap ng Filipino cadet na pinalaya ang alok na double pay.

Sinabi naman ni De Vega na tinatayang 10 ang inaasahan na magbabalik sa oras na mapaso na ang kanilang kontrata sa halos isang buwan.

“Kapag tapos na ang contract puwede na umuwi at tinitiyak natin na mayroon silang substitute, sinasabi natin sa agency na huwag Filipino,”aniya pa rin.

“Papayagan naman ng Iranian authorities na umalis lahat kung may replacement sa barko,” dagdag na wika ni De Vega.

“ST Nikolas will remain in Iran’s custody until its court decides what it will do with it,” aniya pa rin. RNT

Previous articlePinas masusing nakasubaybay sa US presidential race — envoy
Next article2-araw na mega job fair handog ng Manila LGU