ILOCOS SUR- Isa nang malamig na bangkay nang matagpuan ang isang 19-anyos na estudyante sa Gungogong River, Sitio Ida, Brgy. Patoc-ao, Suyo ng lalawigang ito kahapon ng umaga.
Kinilala ni Police Captain Godofredo Ribuyaco, hepe ng Suyo Municipal Police Station, ang biktima na si John Paul Sabluden y Barcena, 19, estudyante, residente ng Brgy. San Elias, Sigay, Ilocos Sur.
Ang biktima ay ini-report sa Sigay Municipal Police Station na nawawala noong Hulyo 28.
Huli umano itong nakita noong gabi ng July 25 matapos umalis sakay ng motorsiklo.
Matapos na maiulat na nawawala, tulong-tulong sa ginawang paghahanap sa biktima ang mga grupo ng Sigay community volunteer, Sigay Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection, Barangay at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Sigay.
Bandang alas-11:20 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Gungogong River.
Hinihinilang naanod ang biktima nang dumaan ito sa Lusbutan Bridge pauwi ng Sigay.
Posibleng nahirapan umano ang biktima na kontrolin ang kanyang sasakyan nang dumaan ito sa tulay matapos na umapaw ang tubig mula sa ilog hanggang sa hilahin ito ng tubig, anurin at malunod.
Tumulong sa pag-retrieve sa bangkay ng biktima ang Suyo MPS. Rolando S. Gamoso