MANILA, Philippines- Naghain na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong multiple murder laban kay suspended Rep. Arnoldo Teves, Jr. sa Department of Justice (DOJ) ngayong Miyerkules, May 17.
Pinangunahan ni NBI Director Medardo de Lemos ang pagsasampa ng kaso kaugnay pa rin sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa sa Pamplona, Negros Oriental noong Marso 4.
Mismong si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang nag-tag kay Teves bilang “executive director” sa likod ng mga pagpatay, kasama ang kanyang dating aide na si Marvin Miranda, na inilarawan bilang “casting director.
Kabilang si Miranda sa 11 suspek na kinasuhanbsa korte ng murder.
Nauna nang inihayag ni Remulla na base sa isang reliable source mula sa airport ay babalik na ng bansa si Teves ngayong Miyerkules ng umaga .
Ngunit pinabulaanan ito ni Teves.
Sinabi ni Remulla ngayong Miyerkules na mayroon nang flight ticket si Teves para sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas ngunit kung hindi siya uuwi, ang kanyang flight mula sa bansa ay maaaring kunin bilang indikasyon ng pagkakasala.
Si Teves ay nanatili sa labas ng Pilipinas at iniulat na unang nasa Cambodia bago humiling ng asylum sa Timor-Leste. Jocelyn Tabangcura-Domenden