MANILA, Philippines – Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority na suspendido pa rin ang pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila.
Ang paalalang ito ni MMDA Chairman Atty. Romando “Don” Artes ay kasunod ng pagkalat sa social media ng mga post na nagsasabing ipatutupad na ulit ang NCAP.
“Patuloy pong suspendido ang NCAP dahil may pending pong temporary restraining order or TRO ang Supreme Court laban dito, so hindi po naming pwedeng implement yan,” ani Artes, sa panayam ng TeleRadyo nitong Biyernes, Pebrero 10.
“Wag po tayo maniwala, yan na po ay paulit-ulit na naming dini-deny. Nare-recycle po eh, lumabas na po yan a few months ago,” giit niya.
Matatandaan na noong Agosto 30 ay naglabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa NCAP makaraang kontrahin ng iba’t ibang mga grupo ang programang ito. RNT/JGC