
MAHIRAP na baliin ang salitang binitiwan ni National Capital Region Police Office director PBGen Jose Melencio Nartatez Jr. na tuloy-tuloy ang ginagawang kampanya ng kanyang tanggapan laban sa iligal na gawain lalong lalo na sa usapin ng droga.
Kaya naman kahit kanyang sariling mga opisyal at tauhan ay sinisiguro niya na hindi dapat masangkot sa kahit anong dahilan o paraan sa droga kaya nga nag-utos siya ng surprise drug test
sa mga ito noong Agosto 24.
Malas naman ng dating hepe ng Mandaluyong City Police na si P/Col. Cesar Gerente at 25 iba sapagkat nagpositibo sila sa paggamit ng droga kaya’t nag-utos si Nartatez ng imbestigasyon laban sa mga ito kasabaya nang pagsibak sa mga ito sa kanilang assignment at inilipat sa Personnel and Holding Unit ng Camp Bagong Diwa.
Gayunman, upang maging parehas, binigyan nang pagkakataon ng regional director ng NCRPO ang mga nagpositibo na sumangguni at isailalim ang kanilang isinumiteng ‘specimen’ sa confirmatory test na accccredited ng Department of Health.
Sa isinagawang confirmatory tests ng NCRPO sa mga nagpositibo, si Gerente at dalawang iba pa ay lumabas na positibo pa rin sa paggamit ng droga.
Subalit inihayag naman ni Gerente na negatibo siya sa isinagawang drug test sa kanya ng Philippine Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation. Kasabay nito ang mariing pagtanggi na siya ay gumagamit ng droga.
Gayunman, ang pahayag ni Gerente ay sinagot ni NCRPO Spokesperson at chief Public Information Office P/LtCol Eunice Salas na sigurado sila na positibo ang resulta ng drug test na isinagawa sa dating hepe ng Mandaluyong City Police.
Ipinaliwanag ni Salas na dapat ang ginamit o isinumiteng specimen ni Gerente sa NBI at PDEA para sa confirmatory test ay ang specimen rin na isinumite niya noong Agosto sa kanilang surprise drug test.
Nanindigan din ang NCRPO sa pamamagitan ni Salas na ang tatanggapin lang na challenge results ay iyong kaparehong specimen bukod pa sa dapat na ahensyang gamit sa confirmatory ay accredited ng DOH.
Sa madaling salita, hindi tatanggapin ng NCRPO ang resultang isinagawa ng PDEA sapagkat hindi naman ito tanggap ng DOH bilang ahensyang nagsasagawa ng confirmatory test. Posible pa ang NBI subalit dapat nga ay ang orihinal na specimen ang gamitin para sa nasabing test.
Subalit hindi naman isinasara ng NCRPO ang pagkakataon kay Gerente upang harapin nito ang kanyang kaso at ipinaliwanag na hindi nila ito pipigilan na magsumite ng anomang resulta ng
kanyang ipinagawang pagsusuri kaugnay sa pagpopositibo nito sa droga.
Naunang binigyan ng NCRPO nang pagkakataon o 15 araw si Gerente upang i-challenge ang resulta sa kanyang drug test gayunman sinampahan na siya at iba pa ng kasong conduct unbecoming of a police officer kung saan kapag napatunayan ay pagkakatanggal sa serbisyo ang magiging parusa.
Ang kaso ni Gerente ay paramdam ni Nartatez na totohanan ang kanyang layunin sa pagseserbisyo sa NCRPO bilang hepe nito at hindi niya kokonsintehin ang mga maling gawain ng mga pulis na nasa ilalim ng kanyang pamumuno.
Kaya nga ang mga pulis na gumagawa ng iligal at bawal sa batas ay dapat na manginig at ang dapat nilang gawin ay ituwid ang landas na kanilang tinatahak dahil para kay Gen. Tateng, hindi biro ang ipinasasahod sa kanila ng pamahalaan na galing naman sa pawis ng mamamayan kung kaya’t dapat lang nilang ayusin ang kanilang serbisyo sa pamayanan at mamamayan.