Home NATIONWIDE NCUP nagpaalala sa Lazada, Shopee sa deadline ng pagtanggal sa iligal na...

NCUP nagpaalala sa Lazada, Shopee sa deadline ng pagtanggal sa iligal na vapes

428
0

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Nicotine Consumers Union of the Philippines Inc. (NCUP), grupo ng mga konsyumer ang Lazada at Shopee na alisin na sa kanilang online platform ang mga nagbebenta ng hindi rehistradong vapes at heated tobacco products bago pa matapos ang Oktubre ng taong kasalukuyan.

Ito kasi ayon sa NCUP ang naging pangako ng Lazada at Shopee sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sinabi ni Nicotine Consumers Union of the Philippines Inc. (NCUP) president Antonio P. Israel, dapat lamang na tuparin ng Lazada at Shopee ang kanilang pangako na linisin sa kanilang platform ang lahat ng hindi rehistradong nagbebenta ng ipinagbabawal na vape.

Layon nito na matiyak na ang mga mamimili ay protektado mula sa mga kahina-hinalang produkto.

Matatandaang, sinabi ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. kay Philippine Medical Association (PMA) president Dr. Maria Minerva P. Calimag na noong Hulyo 10, 2023 ay nangako ang Lazada at Shopee na lilinisin ng mga ito ang lahat ng hindi rehistradong nagbebenta sa kanilang platform bago ang katapusan ng Oktubre 2023.

Sa katunayan, nakipagpulong si Lumagui sa mga kinatawan ng e-commerce platforms para talakayin ang pagsunod sa Vape Law o Repubic Act No. 11900. Ayon sa nasabing batas, kailangang i-rehistro ang mga vape, heated tobacco at iba pang makabagong produktong tabako na ibinebenta sa Internet.

Ikinabahala naman ng PMA ang iligal na kalakalan ng vaporized nicotine at non-nicotine products partikular sa mga online platform.

Sa liham na ipinadala kay Senador Pia S. Cayetano noong Marso 15, 2023, sinabi ng PMA na ang imbestigasyon ng Senate Committee on Sustainable Development Goals, Innovation and Futures Thinking ay nagbunyag sa malakihang pagbebenta ng ipinagbabawal na vapor products sa Pilipinas, partikular na sa mga online platform tulad ng Shopee, Lazada at Facebook Marketplace.

Isiniwalat din ng NCUP at ng Consumer Choice Philippines (CCP) na patuloy ngang makikita ang mga hindi rehistradong vapes sa mga e-commerce platform na labag sa RA 11900, o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulations Act.

Dahil dito, umapela din ang mga consumer groups sa Department of Trade and Industry (DTI) na ipatupad ang RA 11900 sa pamamagitan ng pagpataw ng administrative sanction o pagsasampa ng mga kaso sa korte laban sa Shopee at Lazada dahil sa patuloy na pagbebenta ng mga hindi rehistradong produkto.

Sa kabilang dako, winika ni Lumagui na nakipagpulong na ang sa mga kinatawan ng Lazada at Shopee noong Enero 5, 2023; Pebrero 9, 2023; at Abril 13, 2023 hinggil sa implementing rules and regulations (IRR) ng RA 11900 at para ipabatid sa kanila ang kanilang obligasyon sa pagbabayad ng tamang buwis.

Para sa PMA, ang pagsusuri sa mga online platforms ay magpapakita ng hindi pagtupad sa Philippine Graphic Health Warnings at pagbebenta sa napakamurang presyo sa kabila ng excise tax na ipinapataw ng gobyerno.

Karamihan kasi sa mga vapor products na makikita online at sa mga tindahan at vape shops ay hindi sumusunod sa probisyon ng RA 11900. Wala kasing paraan upang maberipika kung ang mga produktong ibinebenta ay nakarehistro at nagbabayad ng tamang buwis sa BIR dahil wala silang internal revenue stamps o kinakailangang packaging o labeling requirements.

Nagtataka rin ang PMA kung bakit patuloy na pinapayagan pa rin na mag-advertise, magbenta at mamahagi sa lokal na merkado lalo na sa online ang mga hindi sumusunod, hindi rehistrado at posibleng hindi nagbabayad ng buwis na mga nagbebenta ng vape, heated tobacco at iba pang makabagong produktong tabako.

Nauna rito, sinabi ng BIR na naglabas na ito ng Revenue Regulations No. 14-2022 noong Oktubre 24, 2022 para sa patakaran at regulasyon na nagpapatupad ng RA 11900 kaugnay sa pag-aangkat, paggawa, pagbebenta, pag-iimpake, pamamahagi, paggamit at komunikasyon ng vapes at iba pang makabagong produktong tabako.

Bukod pa rito, noong Disyembre 13, 2022 ay nagsampa na rin ng kaso ang ahensiya ng kaso laban sa limang indibidwal na nahuling nagbebenta ng mga smuggled at walang buwis na produkto ng vape sa Maynila.

Nagsagawa na rin ang BIR ng isang nationwide raid sa mga ipinagbabawal na sigarilyo noong Enero 25, 2023.

Idagdag pa na nagsagawa na rin ang BIR ng briefing para sa mga online sellers at merchants sa mga e-commerce platform noong Abril 18, 2023 upang ipaalam sa kanila ang kanilang mga pangunahing obligasyon sa buwis at kinakailangang pagsunod sa Revenue Memorandum Circuar No. 49-2023 noong Abril 25, 2023 para i-update ang presyo ng sigarilyo, heated tobacco at VNNPs.

Samantala, naglabas na rin ang ahensya ng RMC No. 57-2023 noong Mayo 16, 2023 na nag-update sa listahan ng mga rehistradong tagagawa/importer/exporter ng sigarilyo, heated tobacco products, vapor products at novel tobacco products habang noong Hunyo 8, 2023, nagsagawa ang BIR ng online seminar hinggil sa mga probisyon ng RMC No. 49-2023 para sa mga mangangalakal o nagtitinda ng mga produktong tabako.

Nakipagpulong din ang BIR sa Bytendance Philippines Inc. (Tiktok) noong Hunyo 7, 2023 at Facebook Philippines noong Hulyo 6, 2023 kung saan pinag-usapan ang mga probisyon ng RA 11900. Kris Jose

Previous articlePaglabag sa security protocol kaya nakatakas si Cataroja, hagip sa CCTV
Next articleCatapang: Condom, kalapati ginagamit sa pagpuslit ng shabu sa Bilibid

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here