Home NATIONWIDE NDA ng bakuna, panis na; tunay na presyo, dapat isapubliko – Hontiveros

NDA ng bakuna, panis na; tunay na presyo, dapat isapubliko – Hontiveros

89
0

MANILA, Philippines- Hinimok ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of Health (DOH) na i-waive na ang mga vaccine non-disclosure agreements (NDA) sa mga COVID-19 vaccine na ipinasok sa bansa. Aniya, dapat nang isapubliko ang mga detalye ukol sa pagbili ng mga bakuna, sa ngalan ng transparency sa pamahalaan, at dahil matagal nang hindi kailangan ang mga NDA na ito.

Ito ang pahayag ng senadora isang araw bago magsagawa ng executive session ang Senado para talakayin ang mga impormasyong na nakapaloob sa mga vaccine NDAs.

“At this point, COVID vaccine NDAs are useless and have outlived their purpose dahil tapos na ang isyu ng ‘price competition’. It is now simply a violation of the public’s right to know how our money was spent. NDAs should no longer stand in the way of accountability and transparency,” ani Hontiveros.

Ayon sa senadora, oras na para isiwalat sa publiko ang tunay na ginastos para sa mga COVID-19 vaccines, pagkatapos na masayang ang tinatayang 44 million doses ng COVID-19 vaccine sa bansa.

“There is too much unnecessary secrecy surrounding this. Hindi naman dapat ituring na state secret ang presyo ng bakuna dahil pera ng bayan ang ginamit para ipambili nito. Pinipilay lang ng mga NDA na ito ang mandato ng Commission on Audit (COA) na usisain kung nakasulit ba tayo sa bilyun-bilyong pisong inilabas natin noong panahon ng pandemiya,” giit ni Hontiveros.

Nagpasalamat naman si Hontiveros sa pagsumite ng DOH ng mga inisyal na dokumento para masimulan na ng COA ang audit sa mga nasabing paggastos.

Gayunpaman, ani Hontiveros, kapansin-pansin na ang mga sinumiteng dokumento ay limitado lamang sa mga loan agreement kasama ang Asian Development Bank (ADB), World Bank, at mga piling vaccine manufacturer gaya ng Pfizer at AstraZeneca.

“What about the agreements with other vaccine manufacturers, like Sinovac? Bulto bultong bakuna pa naman mula sa Sinovac ang binili ng nakaraang administrasyon para sa national vaccination program. Paano magsasagawa ng complete audit ang COA kung patuloy na magtatago ang mga kompanya sa likod ng NDA clause ng kontrata?” tanong niya.

“If we allow this to happen now, it is precedent-setting. Baka sa susunod na pandemya mauulit na naman ito, at posibleng maabuso,” dagdag ni Hontiveros.

Para kay Hontiveros, lubos na nakakaalarma ang hindi pagsunod ng mga foreign vaccine manufacturers sa mga proseso at regulasyon ng pamahalaan ng Pilipinas.

“Pwede bang i-undermine ang pribadong sektor ng ating konstitusyon dahil mayroon silang NDA sa government contracts? Syempre hindi. Panahon na para makipagtulungan ang mga vaccine manufacturers sa audit ng COA,” sabi niya.

“I stand by my call to completely release all information with regards to the COVID-19 vaccine procurement to the public. I have been saying this for over a year. There is no reason for this to be done behind closed doors. We deserve to know how every centavo was spent, lalo na ngayong panahon ng resesyon. Managot ang dapat managot, at huwag magtago sa likod ng NDA,” pagtatapos ni Hontiveros. Ernie Reyes

Previous articleDuterte sa ICC: ‘You are wrong’
Next article100% electrification sa Pinas, target ng NEA sa 2028