Home METRO Negosyanteng babae itinumba, 2 hitman nasakote

Negosyanteng babae itinumba, 2 hitman nasakote

MANILA, Philippines – Binaril nang malapitan sa ulo ang isang negosyanteng babae ng riding in tandem at hinihinalang “gun-for-hire” sa Ermita, Maynila.

Sa pagsisikap ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD), naaresto sa isinagawang follow-up operation nang matunton ang mga suspek sa pamamagitan ng backtracking.

Kinilala ang nasawi na si Paulina Vergara Antoni, 63-taong gulang, may-asawa, at nakatira sa Jorge Bocobo Street, Ermita, Maynila.

Sinampahan naman ng kasong murder ang mga suspek na nakilalang sina Mansore Said Adulgani, 35, gunman/backrider; at driver na si Morsid Omal Pendatum, 25-taong gulang.

Sa ulat ng MPD na ipinarating sa National Capital Regional Police Office (NCRPO), dakong ala-1 ng hapon nitong Enero 15 nang barilin ng suspek na si Adulgani si Antoni sa may J. Bocobo Street, Ermita.

Nakilala ng mga saksi ang suspek na si Adulgani sa suot niyang puting damit, itim na cap, asul na facemask at sling bag.

Bagamat naitakbo pa ng kanyang kaanak sa Manila Doctors Hospital, binawian rin ng buhay dakong alas-5:31 ng hapon ng nasabing petsa.

Napansin naman sa kuha ng CCTV na sumakay ang suspek sa isang Raider 150 motorsiklo na minamaneho ng isa pang suspek na si Pendatum.

Natukoy ang kanilang dinaanang mga ruta sa Ermita hangang sa Roberto Oca Street sa Port Area sa pamamagitan ng mga CCTV cameras.

Sa pagbaybay ng mga operatiba sa mga ruta ng dinaanan ng mga suspek, nakumpirma na positibo ang motorsiklo na gamit nila sa larawan na kuha mula sa CCTV footage partikular ang pagkakapareho ng sticker sa likuran nito makaraang mamataan ito na nakaparada sa may Railroad Street sa Port Area, Maynila.

Dahil sa mabilis na aksyon ng pamunuan ng MPD sa pangaunguna ni MPD Director Col. Armold Thomas Ibay, pinuri ni NCRPO Director, PMajor Gen. Jose Nartatez Jr. ang MPD habang ipinag-utos ang masusing imbestigasyon upang malaman ang tunay na motibo at matukoy ang nasa likod ng pagpaslang sa negosyante para mapanagot sa batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleApela ni Herbosa sa pagsuspinde sa PhilHealth premium hike, pinag-aaralan na
Next articleNetizens pwede nang lumahok sa paggawa, pagrepaso ng batas – Jinggoy