MANDAUE CITY- Nasagip ng mga awtoridad ang isang 8-anyos na babae matapos dukutin ng caretaker at inilagay sa loob ng maleta, kagabi sa lungsod na ito.
Kinilala ni Mandaue City Police Office (MCPO) chief PCol. Jeffrey Caballes, ang nadakip na suspek na si Godie Rama, 32-anyos at caretaker sa isang apartment sa nasabing lungsod.
Nailigtas naman sa kamay ng suspek ang batang hindi pinangalanan at nakatakdang isailalim sa medical examination para malaman kung pinagsamantalahan ito ng suspek.
Batay sa report ng Mandaue City-PNP, bandang alas-7:30 ng Agosto 10, 2023 ay nadakip ang suspek sa loob ng isang apartment sa Bakilid, Mandaue.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng report hinggil sa pagkawala ng bata at agad na nagsagawa ng follow-up operation.
Base sa mga kuha sa CCTV footage, nakita ang suspek na naglalakad sa Jaime St. na may tulak-tulak na malaking maleta.
Hanggang sa natunton ang kinaroroonan ng suspek base na rin sa kwento ng mga residente na nakita nilang pumasok sa apartment. Subalit, wala itong kasamang bata at tanging maleta lamang ang dala nito.
Mabilis na binuksan ng mga pulis ang silid na pinasukan ng suspek at bumungad sa kanilang harapan ang bata at ang suspek kung saan hinahawakan umano nito ang maselang parte ng katawan ng bata.
Agad na pinosasan ang suspek at dinala sa himpilan ng MCPO at nahaharap sa kasong kidnapping.
Depensa ng suspek, nagawa niyang dukutin ang suspek at ilagay sa maleta dahil pinagalitan umano siya ng ina ng bata.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo ng suspek at kung may kasabwat ito. Mary Anne Sapico