
INIULAT ni David Hearst, ng Middle East Eye, isang dyaryong online, na gagamitan ng nerve gas ang mga Hamas sa Gaza.
Ipuputok umano ang mga nerve gas sa mga tunnel na gawa ng mga Hamas upang maparalisa ang mga ito ng 6-12 oras.
Dalawa umano ang pangunahing agarang ibubunga nito: ma-rescue ang mahigit 200 hostage na itinatago sa mga tunnel at mapatay ang libo-libong pwersa ng Hamas na nagtatago rito.
Ang Delta Force ng US forces na magagaling sa anti-terrorism ang siya umanong susubaybay sa paggamit ng Israel ng nerve gas bilang sorpresang action laban sa Hamas.
Pinaplantsa umano ito ng husto at isa itong dahilan kung bakit hanggang ngayon, wala pa ang babala ng Israel ukol sa pag-atake sa lupa na isasagawa mula sa karagatan at kalupaan.
Ayon kay Hearst, nakuha ng dyaryo ang leaked information mula sa US subalit hindi pa nila nakukumpirma ito.
TOTOO MAN O HINDI
Totoo man o hindi ang balitang ito, may mga bansang pinaniniwalaang meron nito at pinakamalaki ang hawak ng Russia (40 tonelada) at United States, (30 tonelada) habang meron din umano ang United Kingdom, Syria, North Korea at iba pa.
Pero sinasabing halos wala nang nerve gas at iba pang mga chemical weapon dahil sa mga kasunduan ng mga bansa na ipagbawal ang paggawa at paggamit nito.
Naging mabagal lang ang pagsira naman sa mga nerve gas dahil nakapaloob umano ang mga ito sa mga bomba at bala ng kanyon at napakadelikadong pagtatanggalin at sirain.
Kaya naman, pupwede ring walang batayan ang ulat ng Middle East Eye na gagamit ang pwersang US at Israel ng nerve gas.
Gayunman, susubaybayan natin ang giyera at malalaman at malalaman naman natin kung may gagamit ng nerve gas o wala.
Pero, sana, kung mayroon mang may hawak nito, huwag gamitin.
Alalahaning ipinagbabawal na ito sa buong mundo.
ANG NERVE GAS
Kapag nakalanghap ka ng nerve gas at katumbas ng isang patak, hindi ka lang mapaparalisa.
Dedo ka kaagad sa ilang minuto lang dahil sa lakas ng tibok ng iyong puso saka biglang hihinto at papalya maging ang iyong baga.
Kapag nakalanghap ka nito at dyutay lang, naririyan ang panlalabo ng iyong mga mata, pagsusuka, pagkahilo, hirap sa paghinga at pagkaparalisa sa kilos.
May gamot naman laban dito ngunit kapag ginamit ito sa digmaan, sino-sino ang may dala ng gamot?
Tiyak ang mga may dalang nagpapasabog nito at wala sa kanilang mga kalaban.
Sa mahal kong Pinas, halimbawa, kapag may gumamit nito, katakot-takot na perwisyo ang aabutin natin.
Eh ang unang gagamitin…walang iba kundi ang gas mask.
Sino-sino ang may mga gas mask sa bahay o baon-baon nito saanman sila pupunta.
Hindi pupwede ang mga peke o tunay na face mask dito.
MAGDASAL LABAN SA NERVE GAS
Kung wala tayong magagawa sa mga posibleng gagamit ng nerve gas sa digmaan, ipagdasal na lang natin sila na huwag gagamit nito…at bahala na ang Diyos sa kanila.