Home NATIONWIDE Netizens pwede nang lumahok sa paggawa, pagrepaso ng batas – Jinggoy

Netizens pwede nang lumahok sa paggawa, pagrepaso ng batas – Jinggoy

MANILA, Philippines – Sakaling maisabatas, maaari nang lumahok ang netizen sa paggawa at pagrepaso ng panukalang batas sa Kongreso sa pamamagitan ng isang panukalang inihain ni Senador Jinggoy Estrada sa Senado.

Sa pahayag, sinabi ni Estrada na maaaring lumahok ang publiko sa legislative process sa pag-amyenda o pagbalangkas ng bagong batas gamit ang online platforms.

“Sa ilalim ng panukalang ito, maaari silang lumahok sa legislative process – mula sa First Reading, Second Reading at Third Reading – sa pamamagitan ng crowdsourcing,” ani Estrada.

Sa kanyang isinumiteng Senate Bill No. 2344 o Crowdsourcing in Legislative Policymaking Act, na magbibigay-daan sa sinumang indibidwal o grupo na makilahok sa crowdsourcing.

Ang crowdsourcing ay isang makabagong paraan ng pag-uugnay ng taumbayan para sa isang pang-kalahatang layunin, pagtukoy at pagbibigay-solusyon sa iba’t ibang uri ng problema, pagbabago o pagpapabilis sa paghahatid ng mga serbisyo.

Sa pamamagitan ng social media o online portals ng Senado at ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), maaaring mag-post o magsumite ang publiko ng kanilang opinyon o komento sa komite na tumatalakay sa isang panukalang batas.

Sa ilalim ng SB 2344, matapos maisumite ang isang panukala o pagkatapos ng First Reading, maaaring magpadala ng anumang komento o suhestiyon ang publiko sa loob ng 15 araw at magiging bahagi ito sa talakayan ng komite.

Kapag ang panukalang batas ay naiulat na sa plenaryo sa Second Reading, bibigyan ng tatlong araw ang publiko upang magsumite ng kanilang komento at sa Third Reading, mayroon ding tatlong araw ang publiko para magbigay ng kanilang opinyon.

Sinabi ni Estrada na sa kanyang panukala, ang PLLO website ay magbibigay ng online platform kung saan maaaring simulan ng publiko ang isang kampanya o petisyon para suriin, baguhin, o bawiin ang isang batas o lumikha ng isang panukala na maaaring ipasa ng sinumang miyembro ng kapulungan ng Kongreso.

Ang PLLO ay magbibigay din ng online crowdsourcing feedback report upang ipaalam ang mga aksyon na ginawa.

“Noong kasagsagan ng pandemya, naging virtual ang lahat, pati ang pagpapasa ng batas at dito nakita natin na lumalahok ang mga resource persons sa mga pagdinig sa Senado o committee hearings,” sabi ng batikang mambabatas.

Ayon kay Estrada, makakatulong ito sa pagpapalawak ng saklaw ng Kongreso sa pagsaalang-alang ng mga opinyon, mungkahi, rekomendasyon, at pagtutol ng mga tao sa isang partikular na panukalang batas.

Ito rin ay magbibigay ng karagdagang paraan upang matulungan ang mambabatas na bigyang prayoridad ang mga isyu at problema na kailangang tugunan, hanapan ng pamamaraan kung paano ito malulutas at makakuha ng feedback sa ipinatutupad na patakaran. Ernie Reyes

Previous articleNegosyanteng babae itinumba, 2 hitman nasakote
Next articleCoffee shops, online stores na naglilimita sa senior, PWD discount sinita ng solon