
NAGGIGIRIAN ang China at United States sa mga karagatan at kalangitan sa Taiwan Strait at South China Sea.
Naririyan ang naunang banggaan ng isang Chinese fighter jet sa isang US spy plane na lumilipad sa ibabaw ng South China Sea malapit sa Hainan province sa timog-China noong Abril 2001.
Nasira ang Chinese jet at nawala ang piloto nito ngunit napilitang mag-landing ang EP-3 plane ng US sa Chinese military base sa Hainan dahil nasiraan din sa banggaan.
Nitong May 26, 2023, muntik na nagbanggaan din ang Chinese J-16 fighter at ang US RC-135 Rivet Joint spy plane.
Nitong Hunyo 4, 2023, mabilis namang tinawid ng isang China destroyer ang dinaraanan ng USS Chung-Hoon na isa ring destroyer ng US sa Taiwan Strait na nasa pagitan ng China at Taiwan.
Kasama ng US ang Canada sa pag-eehersisyo militar sa nasabing karagatan.
Sabi ng China, sa rami ng lugar, sa bakuran pa ng China gumagawa ng ehersisyo ang dalawang bansa at layon ng mga ito na kontrolin ang karagatan at lugar upang mapanatili nila ang paghahari rito.
Katwiran naman ng US, gusto lang nilang mapanatili ang karagatan na malayang paglakbayan ng sinoman ngunit hindi naniniwala ang China dahil “sakop” nito ang Taiwan na itinuturing ng China na lalawigan at teritoryo nito.
Kapag nagbunga ang lahat sa giyera, kapwa nagsasabi ang China at US na makasasama ito sa buong mundo.
Unang matitigil ang negosyong 3-5 trilyong dolyar ng US, Canada, Japan at Europa na kaalyado ng mga ito na dumaraan sa Taiwan Strait at bunganga ng dagat sa Singapore at iba pa.
Maaaring madurog din ang Taiwan sa mga bomba at missile at ganap na mahinto ang kalakalan ng US at China na konektado sa buong mundo.
Ano naman kaya ang mangyari sa Pinas kung madamay sa giyera sa rami ng base militar ng US sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement?