MANILA, Philippines – Naglabas ng show cause order ang Energy Regulatory Commission (ERC) laban sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para ipaliwanag nito ang delay sa pagkumpleto sa mahigit 30 power transmision projects.
Sa kalatas na may petsang Hunyo 14, 2023, ipinag-utos ng ERC sa NGCP na magpasa ng
“verified explanation” sa loob ng 15 araw mula sa pagkakatanggap ng kautusan, “why no administrative penalty should be imposed upon it.”
Ayon sa regulator, nakita kasing hindi nasunod ang timeline sa approved capital expenditure (capex) projects ng NGCP, at delayed din ang implementasyon sa mga proyekto nito.
Ayon sa ERC, nasa 37 proyekto na may 21 hanggang 2,561 araw na delayed ang naturang mga proyekto.
Kabilang dito ay ang Tuy (Calaca)-Dasmariñas 500-kilovolt Transmission Line Project na dapat sana ay nakumpleto na noong Hulyo 11, 2016, ngunit hanggang ngayon ay 82.48% pa lamang na kumpleto at inaasahang sa Disyembre 31, 2024 pa ang date of energization.
Anang ERC, 2,528 araw na itong delayed.
Nasa 2,561 araw namang delayed ang Bataan-Cavite/Metro Manila Transmission Line Project (Phase 1) Feasibility Study.