Home NATIONWIDE NGCP: Wala nang nakaambang red, yellow alerts sa natitirang bahagi ng 2024

NGCP: Wala nang nakaambang red, yellow alerts sa natitirang bahagi ng 2024

MANILA, Philippines- Wala nang inaasahang pagtataas ng grid situation alerts ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa natitirang bahagi ng taon sa nakikitang pagbaba ng demand ngayong tag-ulan.

“For 2024, wala tayong nakikitang karagdagang alert so far,” pahayag ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza sa isang press briefing sa San Juan City.

“Kapag mainit ang panahon, mas malakas ang konsumo ng kuryente. Dahil umuulan na, hindi na mataas ang konsumo ng tao kaya dapat sapat na ang kuryenteng dumadaloy sa transmission system,” wika ni Alabanza.

Itinataas ng NGCP ang yellow alerts kapag bumababa ang operating margin kumpara sa kinakailangang lebel upang tugunan ang contingency requirement ng transmission grid.

Samantala, nangangahulugan naman ang red alert na kulang ang power supply upang tugunan ang consumer demand at regulatory requirements ng transmission grid.

Mula Abril hanggang pagsisimula ng Hunyo kung kailan naranasan ang mainit na panahong pinalala pa ng El Niño, nakapagtaas ang NGCP ng 11 red alerts ay 31 yellow alerts sa Luzon grid.

Gayundin, pinairal ng grid operator ang walong red ay 26 yellow alerts sa Visayas grid at zero red alerts at dalawang yellow alerts sa Mindanao grid.

“Kapag walang maraming planta ang pumalya within the year, dapat wala tayong makitang alert status,” anang opisyal. RNT/SA