Home OPINION NGINGISI-NGISI NA LANG SI BIDEN SA GIYERA

NGINGISI-NGISI NA LANG SI BIDEN SA GIYERA

WALANG magawa si United States President Joe Biden sa kahilingan nitong magkaroon siya ng pondong $97 bilyon pang-armas sa Ukraine, Israel at Taiwan.

Itong Ukraine may giyera sa Russia at itong Israel, may giyera sa Hamas at Hezbollah.

Ang Taiwan naman, nag-iipon at naghahanda ng panggiyera laban sa Tsina.

Pero ang $97B pondo ay hindi basta pera na ibibigay.

Malaking bahagi rito ang ilalaan sa paggawa ng mga armas gaya ng mga bala, missile, drone, bomba, eroplano, helikopter, tangke, trak at iba pa na kailangang gawin muna bago ideliber sa tatlong bansa.

Siyempre meron ding mga cash na bahala na kung paano gagastusin ng nasabing mga bansa o korapin kaya gaya ng nangyayari sa Ukraine.

Walang magawa si Manong Joe dahil sa halip na aprubahan kaagad ng kanilang House of Representatives ang kahilingan, nagdeklara ng recess na dalawang linggo ang Speaker doon habang nag-aprub na ang Senado nila.

Pero hindi basta pumapayag ang mga kongresman na aprubahan ang kahilingan hanggang walang aksyon si Biden sa sobrang pagpasok ng mga dayuhan sa kanilang bansa mula sa South America at Mexico.

Sa South America at Mexico kasi galing ang sakit sa ulo ng US dahil nanggagaling dito ang mga unli na suplay ng cocaine, shabu at iba pa na ikinamamatay ng maraming Kano na adik at pinagmumulan ng mga patayan, prostitusyon at iba pang krimen.

Naisip ko lang, kapag may giyera ang Pinas, hindi kaya ganyan din ang mangyayari na inutil ang US President sa pangakong agarang tulong kung hindi papayag ang Kongreso ng US sa kanya?

Sabi ng mga Kano mismo, sobra-sobra ang gastos nila sa giyera sa Afghanistan at Pakistan – $2.313 trillion at ngayon sa Ukraine – $75 bilyon na.

Kaya medyo nirerendahan nila si Biden ngayon na gumastos sa walang katapusang giyera.

O asa pa more kay Mang Joe!

Previous articleKamara magpupulong bilang Committee of the Whole sa pagtalakay sa RBH 7
Next articleOFWs PROTEKTAHAN SA ISRAEL-HEZBOLLAH WAR