MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Erwin Tulfo ng mas mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Bullying Act kasunod ng madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na posibleng may kaugnayan umano sa bullying.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Tulfo na dapat magsilbing babala ang insidente sa mga paaralan at ahensya ng gobyerno upang paigtingin ang pagpapatupad ng batas laban sa bullying.
“Bagama’t di tama ang naging paraan nila para resolbahin ang bullying sa kanila, isa po itong nakakaalarma na hudyat para sa lahat ng mga eskwelahan at sa mga awtoridad: Lagyan ng pangil ang implementasyon ng ‘Anti-Bullying Act’,” ani Tulfo.
Ayon sa senador, matagal nang iniuugnay ang bullying sa verbal abuse, pisikal na pananakit at maging sa pagpapatiwakal ng mga biktima, ngunit ipinakita ng insidente sa Tacloban na maaari rin itong humantong sa nakamamatay na karahasan kung hindi agad maaaksyunan.
Kinuwestiyon din niya ang pagpapatupad ng umiiral na mga hakbang laban sa bullying at kung ilang buhay pa ang kailangang mawala bago matugunan ang mga pagkukulang sa pagpapatupad ng batas.
“Huwag po nating hayaan na mahanay ang ating bansa sa mga lugar na normal na ang mass shooting at bullying sa mga eskwelahan,” dagdag niya.
Nagpaabot din si Tulfo ng pakikiramay sa pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi sa insidente at sinabing nakikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan upang magbigay ng tulong sa mga ito.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, hinimok niya ang Senado na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng pagkukulang, mga sanhi ng trahedya, at mga hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap. RNT