MANILA, Philippines – Matinding kinastigo at kinuwestiyon ni Senador Cynthia Villar ang ilang opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) hinggil sa hindi matatapos-tapos na irrigation projects sa buong bansa na nagsimula noong panahon pa ni yumaong Pangulong Benigno “NoyNoy” Aquino III.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate subcommittee on finance sa panukalang 2024 budget ng NIA, nailabas ni Villar ang kanyang pagka-irita sa unfinished irrigation projects sa bansa.
“You have to decide whether you’ll abandon the project or continue with the project,” ayon kay Villar, chairman ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform, sa opisyal ng NIA.
Natuklasan ni Villar ang hindi natatapos na proyekto ng dating administrasyon partikular simula noong panahon ni Aquino, na inilunsad nang matagal pero mababa ang completion rate.
Partikular na tinukoy ni Villar ang Balog-Balog Dam sa Tarlac, na umaabot lamang sa 50 percent ang nakukumpleto.
“50 percent pa lang hanggang ngayon. Eh kung ako si PNoy ay pagbababarilin ko kayo kapag ‘di nyo tinapos ang Balog-Balog within my term. Di ba?” giit ni Villar sa pagkadismaya.
“Kaya ka naging Presidente para tapusin mo ang project sa bayan mo. Namatay na si PNoy, 2023 [na] at nasa 50 percent pa [rin],” giit pa niya.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen, na nahaharap sa pagkaka-antala ang ilang proyekto dahil sa “environmental issues.”
Idinagdag din niya na ang pondo ang isa sa dahilan ng hindi pa matapos-tapos na mga proyekto ng NIA.
“Noong masimulan ang project na mai-bid ay maliit lang ang natatanggap nila na yearly allocation, kaya unti-unti [ang paggawa] at hindi po full blown,” paliwanag ni Guillen.
Pero, ibinaling ni Villar ang kanyang atensiyon sa Department of Budget and Management (DBM) kung makatotohanan ang pahayag ni Guillen.
“Nire-release-san namin sila. Kasama po namin sila sa agencies or government-owned and controlled corporations na comprehensively released ang budget,” ayon kay DBM Assistant Director Elena Regina Brillantes.
Ngunit, tinindigan ni Guillen ang posisyon na kahit naglabas ng pondo ng DBM, hindi kumpleto ang alokasyon.
Sa ganitong punto, nagpahayag ng pagkadismaya si Villar sa mga unfinished projects, kahit nagsasagawa ito ng kaukulang programa upang malutas ang problem sa agriculture sector.
“Lokohan ba ‘yan? Puro salita lang ‘yan walang ginagawa. Kaya pala ganito ang agriculture natin eh,” ayon kay Villar.
Tiniyak naman ni Guillen na magsusumite ang ahensiya ng catch-up plan sa delayed at unfinished projects. Ernie Reyes