Home NATIONWIDE ‘Nika’ nag-iwan ng ₱241.89M agri damage

‘Nika’ nag-iwan ng ₱241.89M agri damage

MANILA, Philippines- Nakapagtala ang Department of Agriculture (DA) ng halos  ₱241.89 milyong pinsala sa agricultural sector bilang resulta ng pananalasa ni bagyong Nika. 

Saklaw ng pagtatayang ipinalabas nitong Biyernes ang Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, at Central Luzon kung saan kabuuang 10,523 magsasaka rin ang naiulat na apektado.

Batay sa ulat ng DA, nakapaminsala si “Nika” sa 11,607 ektarya ng agricultural land at nagdulot ng production losses na aabot ng 8,217 metric tons.

Upang tulungan ang mga apektadong magsasaka, sinabi ng ahensya na naglaan ito ng ₱84.88 milyong halaga ng agricultural inputs, kabilang ang mga punla para sa bigas, mais, at gulay, maging mga suplay para sa livestock at poultry.

Sinabi ng DA na namahagi ng rice stocks mula sa National Food Authority ang local government units, Department of Social Welfare and Development, at iba pang mga ahensya.

Gayundin, ayon sa agricultural department, mayroong financial assistance kung saan maaaring humiram ng hanggang  ₱25,000 sa ilalim ng zero-interest Survival and Recovery (SURE) Loan Program, na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.

Makatatanggap naman ang insured farmers ng indemnities sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), base sa DA.

Samantala, sinabi ng departamento na ikinasa ang Quick Response Fund upang tumulong sa rehabilitasyon ng apektadong imprastraktura at agricultural areas. RNT/SA