Home NATIONWIDE Nipah virus ‘di mabilis na kumalat – DOH

Nipah virus ‘di mabilis na kumalat – DOH

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Setyembre 28 na hindi mabilis na kumakalat ang Nipah virus di tulad ng COVID-19 ngunit nagbabala ito na mabilis mag-mutate ang virus.

“Mahirap siyang kumalat sapagkat ‘pag mataas ang mortality rate, namatay kaagad iyong dinapuan niya, hindi na kalalat ang virus kasi patay na iyong host. Hindi katulad ng COVID ngayon na nag-umpisang marami-rami ang namamatay, hanggang sa naging mild na lang at mabilis makahawa,” sabi ni Health Udersecretary Eric Tayag.

Ngunit hindi aniya nangangahulugan na ang publiko ay hindi dapat mag-ingat dahil nagbabala si Tayag na ang Nipah virus, na nagdulot ng outbreak sa India, ay madaling mag-mutate.

Sa ngayon, sinabi ni DOH chief information officer na sinusubaybayan nila ang human to human transmission ng virus.

Aniya, binabantayan ngayon ay ang animal to human transmission lang sapagkat ayon aniya Kay Usec. Maria Rosario Vergeire ay mga fruits bats ang pangunahing host o pinagmumulan ng virus.

“‘Pag nabulabog sila sa kanilang kinalalagyan, sila ay maaaring dumapo sa mga lugar na maaaring meron silang close contact sa baboy at sa ibang hayop. Doon lamang magkakaroon ng posibilidad na iyong naapektuhang baboy o kaya kabayo ay mahawa ang tao,” sabi ni Tayag.

Kaya naman binabantayan aniya ang person to person transmission.

Upang maiwasan ang human transmission ng virus, sinabi ni Tayag sa publiko na huwag kumain ng “double dead” o hot meats.

Una nang pinawi ng DOH ang pangamba ng publiko hinggil sa virus na umanoy dahilan ng pagkalat ng flu-like illnesses na iniulat sa ilang bahagi sa Cagayan de Oro.

Ngunit ayon sa DOH, wala pang kaso ng Nipah virus sa bansa.

Ilan sa sintomas nito ay lagnat, pananakit ng ulo, muscle pain, pagsusuka at sore throat.

Nagreresulta rin ito ng encephalitis o pamamaga ng utak at maaaring ikamatay. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleHigit 2,500 Mediterranean migrants nasawi, nawala ngayong taon – UN
Next articleDOLE umaasa sa umento sa arawang sahod sa buong bansa sa pagtatapos ng taon